Napatanong at kinilig ang mga netizen kung may romantikong namamagitan ba ngayon sa Kapuso actress na si Kate Valdez at Japanese vlogger at artist na si Fumiya Sankai.

Batay kasi 'yan sa post sa social media ni Kate na nagdiwang ng kaniyang kaarawan sa Hong Kong Disneyland at kasama niya sa larawan si Fumiya.

Sa post ni Kate sa Instagram, may selfie sila ni Fumiya na makikita sa background ang Walt Disney castle. May video rin na naglalakad silang dalawa.

"Thank you for making my birthday so magical and for making the kid in me feel so happy," saad ni Kate sa post na naka-tag si Fumiya.

May post din si Fumiya sa kaniyang IG account ng larawan nila Kate sa kanilang pamamasyal at binati niya ang dalaga sa kaarawan nito.

"Arigatou fufu," tugon naman si Kate comment section.

 


 
Ang ilang netizens, kinilig sa posts nina Kate at Fumiya, at napaisip kung may romantikong relasyon na ba ang dalawa.

"For real sila na? Kung sila na nga grabe kakilig," saad ng isang fan.

"Omg. I am so happy for you. Bagay kayo," komento naman ng isa pa.

Noong nakaraang taon, inihayag ni Yasser Marta na ang kawalan ng panahon sa isa't isa ang dahilan ng paghihiwalay nila ni Kate.

"Wala akong sinisisi kundi sarili ko," sabi ni Yasser sa isang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda."

Nakilala nang husto si Fumiya nang sumali siya sa isang Philippine reality show noong 2019.

Samantala, bibida si Kate Philippine remake ng hit K-drama series na "Shining Inheritance." Kasama niya rito sina Kyline Alcantara, Michael Sager, Paul Salas, at Coney Reyes. --FRJ, GMA Integrated News