Inilahad ni Benj Manalo na inakala niya dati na si Jay Manalo ang tunay niyang tatay, at hindi si Jose Manalo. Si Jay naman, inakala ring tunay niyang anak si Benj.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda," ikinuwento ni Benj na dalawang taong gulang pa lamang siya noon nang maghiwalay sina Jose at ang kaniyang ina.

"Ang alam ko lang, ang tatay ko was nagtatrabaho sa [showbiz] industry and nag-start sa letter J. Ang kilala ko lang that time was si Jay Manalo," sabi niya.

Noong nasa showbiz industry na rin siya, nagkaroon ng pagkakataon si Benj na malapitan at makausap si Jay sa isang party, sa pamamagitan nina Joel Torre at Cherry Pie Picache.

"Nakita namin sa isang party si Tito Jay. Sabi nila 'Jay, ipakikilala namin sa ‘yo si Benj.’ ‘o Benj!’” pag-alala ni Benj na tugon ng aktor.

Hanggang sa binanggit nina Joel at Cherry Pie na “Manalo” rin ang apelyido ni Benj. Dito, nagkatinginan sina Jay at Benj.

“It was a running joke. Hanggang nakilala ko siya, akala niya talaga anak niya ako for about 15 to 20 minutes,” pagpapatuloy ni Benj.

“Sina Ms. Pie at Tito Joel sabi nila, 'Jay, joke lang, joke lang. Akala niya lang talaga ikaw ‘yung tatay niya from the beginning.'"  

Nasa 4th year high school si Benj nang makilala at makita niya si Jose.

"Noong nakita siya sa school na si Jose Manalo ito, iba kaagad ‘yung yabang ko," sabi niya.

“What more kung hindi ko napagdaanan ‘yun (Paghihiwalay ng kaniyang mga magulang)? For sure, siguro ngayon mayabang na mayabang ako,” dagdag ni Benj.

Naging panauhin sina Benj at ang kaniyang asawang si Lovely Abella sa naturang programa, at pinag-usapan din ang kanilang live selling business at love story. Ikinasal ang dalawa noong 2021.

Ipinanganak ni Lovely ang kanilang anak noong Setyembre 2023.  — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News