Bukod sa pagiging mga artista, naging malaking pinagkukunan ng kita ng mag-asawang Lovely Abella at Benj Manalo ang live selling. Pag-amin nila, may pagkakataon na kumikita sila ng P4 milyon hanggang P5 milyon sa isang buwan.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, inamin ng mag-asawa na nakatulong sa kanila sa pagla-live selling ang pagiging artista nila upang pagkatiwalaan ng mga bumibili.
“Nagkakaroon kami ng magandang credentials doon sa mga audience namin. Kumbaga, alam nilang hindi sila mai-scam. Alam nila na parang ‘OK, pagkakatiwalaan ko sila. Kilala ko ‘to. Familiar sila.’ So ‘yung unang trust kaagad na ibibigay nila is 100%,” paliwanag ni Benj.
Nagsimula sina Lovely at Benj na pasukin ang mag-live selling business noong panahon ng pandemic, at binago umano nito ang buhay nila.
“May isang buwan doon, sabi nila ghost month that time, walang pera ang mga tao, pero we earned at least one month nang mga P4M to P5M. That’s net," ayon kay Benj.
"That time, sabi namin,‘Kaya na natin ‘to.’ I mean, ‘di na natin kailangang magtrabaho. We were so full of ourselves,” patuloy niya.
Pag-amin din ng mag-asawa, nadala siya ng malaking sa live-selling at puro negosyo na lang ang kanilang ginagawa.
Hanggang sa isang araw, biglang nawala o nabura ang kanilang Facebook page na may mahigit 1 million followers, at nawalan sila ng lugar para magbenta.
Ayon sa mag-asawa, nangyari ito nang pumunta sila sa isang convention sa Singapore para isang jewelry supplier.
“We were so scared na parang ‘Pa’no nang gagawin natin?’” ani Benj. “It was a realization sa amin na parang Lord can actually take that away in a [snap]. So from there, we learned.”
Sa kabila nito, nagpapasalamat sila dahil sa kabila ng nangyari, kabilang sa kanilang natunan ang pagpapahalaga sa Diyos.
Inihayag din ng mag-asawa na nakapagpundar din naman sila ng mga ari-arian mula sa kanilang kinita sa live selling.
Sa ngayon, unti-unting bumabalik sina Lovely at Benj sa sa pagbuo ng kanilang Facebook page na mayroon ngayong halos 40,000 likes at 96,000 followers.
Kabilang sa kanilang mga ibinebenta ay alahas, bag at mga pabango.— FRJ, GMA Integrated News