Naglabas ng CCTV footage ang National Bureau of Investigation (NBI) na makikita si Sandro Muhlach sa isang hotel matapos mangyari ang umano'y pang-aabuso ng dalawang independent contractor sa aktor.

Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, makikita na bumalik si Sandro sa kaniyang hotel dakong 6:53 a.m. noong July 21, matapos siyang magtungo sa katabing hotel na kinaroroonan ng kaniyang mga inirereklamong sina Richard Cruz at Jojo Nones.

Napansin ng NBI ang mabilis na kilos at tila pagiging balisa ni Sandro matapos manggaling sa hotel na kinaroronan nina Richard at Jojo. Taliwas umano ito sa mga naunang kuha ng CCTV camera bago ang insidente na normal at relax ang kilos ng aktor.

Aminado si Sandro, na hindi maayos ang pakiramdam niya noon dahil sa nahihiya at natatakot siya sa nangyari.

“'Yan po yung time na pumunta ko sa kanila. After po lahat nung nangyari, hindi po ako mapakali, hilong hilo po ako, sobrang sakit po ng katawan ko, kaya napaupo po ako sa floor," ayon kay Sandro.

"Hindi ko pa po alam kung anong dapat kong gawin, kung magsusumbong po ba ako sa pulis, or kung lalapit po ba ako sa pamilya ko. Naunahan na po kasi ako ng hiya at takot, kaya sinumbong ko po muna sa mga kaibigan ko,” dagdag pa niya.

Kamakailan lang, naghain si Sandro ng reklamong rape laban kina Richard Cruz at Jojo Nones sa Department of Justice.

Nauna nang itinanggi ni Richard at Jojo ang paratang laban sa kanila. Nakiusap sila sa publiko na huwag kaagad silang husgahan.—FRJ, GMA Integrated News