Nagluluksa ngayon ang aktres na si Angelica Panganiban dahil sa pagpanaw ng kaniyang butihing ina na si Annabelle “Ebela” Panganiban, sa edad na 61.

Sa Instagram post, inihayag ni Angelica na pumanaw ang kaniyang ina nitong Miyerkoles, at nakasaad din ang ilang detalye sa burol nito.

Hindi binanggit ng aktres ang sanhi ng pagpanaw ng kaniyang ina.

Ang burol at memorial service ay gagawin sa Aeternitas Chapels and Columbarium sa Commonwealth, Quezon City simula sa Huwebes, August 22.

Sa comment section, bumuhos ang pakikiramay sa aktres, kabilang ang mga kapuwa niya celebrity na sina Anne Curtis, Bea Alonzo, Carla Abellana, Camille Prats, Alessandra De Rossi, Lotlot De Leon, at Coney Reyes.

Nitong nakaraang Abril, nagbigay-pugay si Angelica sa kaniyang ina kasunod ng ikalawang kasal ng aktres kay Gregg Homan sa Siargao.

Kung ano man daw siya ngayon, sinabi ni Angelica na iyon ay dahil sa kaniyang ina na si Annabelle.

“Ikaw ang kayamanan ko na kaya kong ipagmalaki kahit kanino dahil ang lahat ng aral na napulot ko sayo ang ipapamana ko sa pamilya ko,” ayon sa aktres.

“Hindi ako perpekto at ideal na anak. Matigas ang ulo ko at madalas nilalaban ko ang mga gusto kong subukan. Pero hindi mo ko pinigilan o sadyang wala ka na lang nagawa. Salamat at hinayaan mo kong subukin ang lahat para sa ikakatapang ko. Mahal kita ma," sabi pa ni Angelica.

Nakatulong din umano ang mga aral na natutunan niya sa kaniyang ina upang maging mabuti siyang kabiyak ni Gregg, at mabuting ina sa kanilang anak na si Amila. —FRJ, GMA Integrated News