Nasorpresa si Carmina Villarroel sa ipinagtapat sa kaniya ng dati niyang ka-love team na si Robert Ortega nang mapag-usapan ang dati nilang samahan sa showbiz noong mga teenager pa sila.

Sa birthday episode ni Carmina sa programang "Sarap Di Ba," naging bisita si Robert at Jeffrey Santos, na kabilang sa mga naging kapareha noon ng aktres sa kaniyang mga naging projects.

Nagkakaisa ang tatlo na naging maganda ang kanilang samahan at pagkakaibigan kahit mahabang panahon na ang lumipas.

Tandang-tanda pa ni Robert na unang pagkakataon niyang nakatrabaho si Carmina sa pelikulang "Pinulot Ka Lang sa Lupa" noong 1987.

Ayon kay Carmina, noong panahon na iyon, wala siyang permanenteng love team kaya naipapareha siya sa iba't ibang aktor.

"Ang sarap lang mag-reminisced kasi parang kahit nagka-love team-love team parang never nagkaroon... hindi tayo naging awkward sa isa't isa. Siguro nga kasi it was just plain friendship walang..." sabi ni Carmina, na hindi na natapos ang sasabihin dahil dinugtungan ni Jeffrey na, "isip bata ka no'n."

Humirit naman si Carmina kay Jeffrey na, "saka iba yung gusto mo dati. Iba yung dati mo eh."

Dito na ipinagtapat ni Robert na may balak siyang pormahan noon si Carmina.

"Pinag-isipan ko rin, inaamin ko," ayon kay Robert.

"Totoo ba?," tanong ng aktres.

Ayon kay Robert, mahirap ligawan noon si Carmina dahil bukod sa mataray, laging may bantay.

"Ang hirap ligawan kasi noong bata siya, ang taray taray," ayon sa aktor.

"Tapos laging nasa likod ng Tita April mo at ni Tita Menchu, at si Tita Rhea n'yo nakatago sa likod 'yan. Paano mo lalapitan 'to, bantay-sarado," patuloy niya.

BASAHIN: Carmina, ibinisto ang mga aktor na naging first boyfriend at super crush niya

Sa kanilang pagbabalik-tanaw noong kabataan nila, nagtanong si Carmina kung nagkaroon ba sila ng mga away.

Ayon kay Robert, may tampuhan pero nadadaan sa pag-uusap.

"Mga tampuhan. Pero noong panahon namin, kami lang nag-uusap usap. Ngayon kasi 'pag nagtampo, itu-tweet. Kaya lumalaki 'yung gulo. Noong panahon namin, walang ganoon, hindi lumalaki ang gulo," paliwanag niya.

Ikinuwento na rin ni Carmina sa kaniyang mga anak na si Mavy at Cassy na kasama rin sa show, na nagiging malapit din ang mga artista sa pamilya ng mga nakakatambal niyang artista dahil sa magandang relasyon nila sa kanilang trabaho.-- FRJ, GMA Integrated News