Matapos na pumirma ng kontrata sa Sparkle, inihayag ni Katrina Halili na gusto ulit niyang nakatrabaho ang Kapuso actress na "girl crush" niya.

Sa panayam ng GMA News Online, tinukoy ni Katrina ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera ang kaniyang girl crush.

Bukod sa may magandang mukha, hanga si Katrina sa kagandahan ng kalooban ni Marian.

"Mabait siya 'pag nakilala mo siya. Mabait siya sa mga kaibigan niya," saad ni Katrina. "And nakikita naman natin na ang galing niya din as a mom, 'di ba?"

Pareho nang mommy sina Marian na may dalawang anak, habang may isang anak naman si Katrina.

"Siyempre, looking forward na sana maka-work ko ulit si Marian next time," sabi pa ni Katrina.
Nagkasama na ang dalawa sa Kapuso hit series na "Marimar" at "Darna."

Nagpapasalamat si Katrina sa pagpirma niya ng kontrata sa Sparkle nitong Martes dahil sa patuloy na pag-aalaga sa kaniya.

"Sobrang thank you po sa warm welcome po, sa oras n'yo, sa press con na binigay n'yo pa," pahayag ng aktres. "Nagulat po ako kanina ang daming tao. Thank you po. I feel special po." --mula sa ulat ni Carby Basina/FRJ, GMA Integrated News