Damang-dama ni Carmina Villaroel ang labis na pagmamahal ng kambal na anak nila ni Zoren Legaspi na sina Cassy at Mavy nang magbigay ng birthday message para sa kaniyang pagdiriwang ng ika-49 taong kaarawan.

Sa kanilang programang "Sarap Di Ba," kung saan ipinagdiwang ang kaarawan ni Carmina, na napapanood din sa Kapuso hit afternoon series na “Abot Kamay Na Pangarap, nagpasalamat si Cassy sa kanilang ina dahil sa pag-aalaga sa kanila ni Mavy.

BASAHIN: Carmina, ibinisto ang mga aktor na naging first boyfriend at super crush niya

"Thank you so much for always being there for me, for Mavy," sabi ni Cassy, "For always being selfless and always making time for us."

Ayon pa kay Cassy, "I love you so much. You're so beautiful and I want to grow up to be like you."

Nagpasalamat naman si Carmina sa mensahe ng anak pero sabi niya, "[You'll be] better than me."

Ngunit para kay Cassy, "No. There's nothing better than you. Ikaw ang the best. You're the best of the best."

Si Mavy, sinabi sa ina na hindi na siya iiyak ngayon.

"This year hindi na ko iiyak kasi si mommy din di na siya iiyak," saad ng binata.

"Wala na, happy na tayo eh," dagdag naman ni Carmina, na dinugtungan uli ng anak na, "Siyempre happy na happy."

Kasabay ng pagbati ng maligayang kaarawan, binati rin ni Mavy ang kaniyang ina sa mga achievements nito at ipinagpasalamat sa Diyos na maayos ang kalusugan.

"I'm happy na lahat ng kasama mo sa trabaho, sa bahay and your friends and family all loves you, and very happy to have you in this world," sabi ni Mavy.

Bago nito, nag-post din sa Instragram si Mavy ng pagbati sa kaarawan ng kaniyang ina.

“Thank you for your unconditional love, endless patience, and incredible guidance. We are all so lucky,” saad niya.

“I am passionate about it when I say that you are kind. Mabuti kang tao, ma,” dagdag ni Mavy.-- FRJ, GMA Integrated News