Sinampahan na ni Sandro Muhlach, at ng National Bureau of Investigation (NBI) ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) ang dalawang independent contractor dahil sa umano'y pang-aabusong ginawa sa aktor.
Sa ulat ni John Consulta sa Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabing reklamong panghahalay bunsod ng nangyaring pang-aabuso umano ang isinampang reklamo ni Sandro, na tumatayong private complainant, kasama ang NBI Public Corruption Division.
Personal na pinanumpaan ni Sandro ang kaniyang reklamo sa prosecutor ng DOJ sa Maynila laban sa dalawang independent contractors,
Kasama ni Sandro ang kaniyang ama na si Niño Muhlach, at ang NBI, kung saan unang nagsampa ng reklamo ang aktor.
Nagsampa rin ng reklamo si Sandro sa GMA Network laban sa dalawang independent contractors, na kaagad na sinuspinde ng network.
Iniulat na sinabi ni Atty. Czarina Raz, abogado ni Sandro, na tiwala ito na malakas ang kanilang ebidensiya laban sa dalawang inaakusahan.
Naniniwala naman si Sandro na lalabas ang katotohanan.
BASAHIN: Niño, inilabas ang palitan ng text messages ng anak na si Sandro at ni Jojo Nones
Patuloy naman ang pasasalamat ni Niño sa mga sumusuporta sa kaniyang anak.
"Parang nakaluwang-luwang na sa dibdib dahil umabot na tayo sa araw na ito. Ang bigat kasi nakikita mo 'yung anak mo araw-araw na nagsa-suffer. Hindi makakain, hindi makatulog," ayon sa dating child star.
"Salamat sa lahat ng nagsuporta kay Sandro," dagdag niya.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuhanan ng reaksyon ang mga inirereklamo.
Nitong nakaraang linggo, humarap sa pagdinig ng isang komite sa Senado ang dalawang independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz, at itinanggi nila ang mga alegasyon na ibinabato laban sa kanila.
Nakiusap din sila sa publiko na huwag agad silang husgahan. —mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News