Engaged na si Michele Gumabao sa kaniyang longtime boyfriend na si Aldo Panlilio.

Sa Instagram, ibinahagi ng Creamline volleyball player at beauty queen ang ilang larawan sa kanilang ginanap na engagement sa Tokyo, Japan.

Sa ilang larawan na kuha ng Nice Print Photo, makikita ang diamond ring na suot ni Michele habang tinatakpan niya ang mga mata ni Aldo.

"8 to [infinity] with you," saad ni Michele sa post.

Nag-post din si Aldo ng mga larawan nila ng engagement sa kaniyang account kasabay ng pagdiriwang ng kanilang eighth anniversary.

"8/8 celebrating our 8th year and it's [inifinity] with you, [Michele Gumabao," ayon kay Aldo.

Binati naman si Michelle ng mga batchmate niya sa Binibining Pilipinas 2018 pageant kabilang sina Miss Universe 2018 Catriona Gray, Binibining Pilipinas 2018 2nd runner-up Samantha Bernardo, at Binibining Pilipinas 2018 1st runner-up Vickie Rushton.

Sa pagsali noon ni Michele sa Binibining Pilipinas 2018, napanalunan niya ang korona bilang Binibining Pilipinas Globe 2018. Umabot siya sa top 15 sa international Miss Globe.

Sumabak din si Michelle sa Miss Universe Philippines 2020, na naging 2nd runner-up siya, ang huling beauty pageant na kaniyang sinalihan.

Samantala, isang strength and conditioning coach sa Philippine Basketball Association si Aldo. --FRJ, GMA Integrated News