Masayang ibinahagi ng 61-anyos na aktres na si Pia Moran, na muli siyang nakatagpo ng pag-ibig sa kaniyang 32-anyos na nobyo na isang nurse.

"Bago lang akong may boyfriend ngayon. Seven years akong walang boyfriend. So ngayon pa lang ako nagkaroon ng boyfriend. Enjoy na enjoy ako. Masaya-masaya ako ngayon dahil may boyfriend na ako," pagbabahagi ni Pia sa "Updated with Nelson Canlas" podcast.

"I didn't know na makahanap [pa] ako at my age. Kasi happy na ako sa seven years na walang boyfriend eh. No problem, single, walang iniisip na ganiyan, hindi iiyak. Ngayon bumalik na naman ako, nag-boyfriend na naman ako. So, excited lang ako na magkaroon ng boyfriend ngayon. Masaya ako sa having a boyfriend," pagpapatuloy niya.

BASAHIN: Pia Moran, inilahad na 'scandal' at aksidente ang dahilan kaya siya nawala noon sa showbiz

Kuwento ni Pia, sa Facebook niya nakilala ang kaniyang nobyo.

"Sa Facebook lang kami nagkakilala, noong 2020. So, hindi ko siya sinagot. Kumbaga, hindi kami nagkatuluyan noon kasi busy siya, busy rin ako. May ginagawa ako that time. Nagpunta yata ako sa Dubai dati. 'Yun yata ang nangyari noon. So, hindi ko alam kung paano, basta bigla na lang nawala kami sa bawat isa," kuwento ni Pia na binansagan noon na "Miss Body Language."

Hanggang isang araw, magkrus umano ang kanilang landas.

"And then nakita niya ako. Sabi ko 'Ikaw ba 'yan?' Sabi niya, 'Oo, matagal tayong hindi nagkita. Ano na ang balita?" ani Pia na ang kasunod ay pagsagot na sa binata nang ligawan siya.

Hindi raw inasahan ni Pia na muli pa siyang iibig. Kaya naman nang dumating ito, hindi na siya natakot sa kabila ng malaking agwat ng kanilang edad.

"Hindi ko inaasahan na main-love pa ako. Kasi for seven years, wala akong boyfriend. Masaya ako, wala akong problema. Hindi ko na iniisip mag-boyfriend nga. Bigla na lang, hindi ko akalain na may darating pala. Hindi ko iniisip na, eh, ituloy ko ba ito? Or natatakot ako? Sige, go," sabi pa ng aktres.

Ipinagdasal daw niya ang kaniyang nobyo at ang kanilang relasyon, na sana ay maging "forever."

"Bago pa lang kami, months pa lang kami. Pero 'yung feeling namin, parang matagal na kami mag-boyfriend, mag-sweetheart. Gano'n ang feeling. So sana ito, I pray na magtuloy-tuloy itong relasyon namin at baka next year, baka magpakasal or what. I don't know, basta I pray for that," patuloy niya.

Nagbalik-showbiz na rin si Pia at nakatakdang ipalabas ang kaniyang pelikula na "Lola Magdalena," na kasama sina Gloria Diaz, Liza Lorena, Perla Bautista, Sunshine Cruz, sa direksyon ni Joel Lamangan. -- FRJ, GMA Integrated News