Naglabas na ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa dalawang independent contractors ng GMA Network para pagpaliwanagin kaugnay sa reklamong inihain ng Sparkle artist na si Sandro Muhlach.

Ang naturang pagpapalabas ng subpoena ay kinumpirma sa GMA News Online ni NBI Director Jaime Santiago ngayong Martes.

Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Santiago na nais nilang makuha ang panig ng mga inirereklamo ni Sandro.

 

 

Nitong nakaraang linggo nang magsampa ng reklamo si Sandro sa NBI, na sinamahan ng kaniyang ama na si Niño.

BASAHIN: Niño Muhlach sa sinapit ng anak na si Sandro: 'Our family has suffered so much'
 

Hindi tinukoy ng NBI kung sino ang dalawang inireklamo ni Sandro. Pero sa hiwalay na reklamo na inihain ng aktor sa GMA Network, tinukoy ang dalawang independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz.

Nauna nang inihayag ng abogado ng dalawa na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, sasagutin ng kaniyang mga kliyente ang mga alegasyon sa tamang forum.

Hindi rin umano sumasalamin sa katotohanan ang mga naglalabasang impormasyon sa social media.

Nitong Lunes, inihayag din ni Senador Robin Padilla, na magsasagawa ng imbestigasyon ang kaniyang komite na Senate Committee on Public Information and Mass Media, kaugnay sa alegasyon ng sexual harassment laban sa isang artista ng GMA Network.

Hindi tinukoy ni Padilla kung sino ang aktor, at nilinaw din niya na hindi ito nangangahulugan na may "sabit" sa pangyayari ang GMA Network.

“Hindi po natin sinasabi na may sabit dito ang GMA7. Hindi po. Ang sinasabi natin dito, kailangan magkaroon ng malinaw, malinaw na pagpapaliwanag sa committee ng mass media ang naganap na ito,” sabi ni Padilla.

Inihayag naman ng GMA Network na magpapadala sila ng kinatawan sa gagawing pagdinig.-- mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News