Inihayag ni John Arcilla ang kaniyang paghanga kay Marian Rivera dahil sa magaling na pagganap ng aktres sa pelikulang “Balota.”
Sa kaniyang Instagram, nagbahagi si John ng trailer ng naturang independent film.
“[Marian] made a film for [Cinemalaya] with relevant issues right after the Phenomenal BLOCKBUSTER film REWIND that raked Billion of Pesos in the box office. I think it is such an admirable act,” saad ni John.
“It is indeed a gesture of giving back to the Industry where she found her passion. Salute to @marianrivera and God Bless you more! I will definitely watch this Film,” dagdag ng award-winning actor.
Kasabay nito, inimbitahan din ni John ang publiko na manood ng Balota sa Cinemalaya Independent Film Festival mula Agosto 2 hanggang 11, 2024.
“Salamat po ng marami,” pagpapasalamat naman ng Kapuso Primetime Queen kay John.
“Salamat, Heneral,” pasasalamat din ng asawa ni Marian na si Dingdong Dantes kay John.
Ang “Balota” ay tungkol sa land-grabbing tycoon at isang lalaking dating sexy actor na maglalaban sa pagka-alkalde ng isang bayan.
Gumaganap si Marian bilang si Emmy, isang guro na maglilingkod para sa eleksyon.
Sa harap ng karahasan sa halalan, poprotekhan niya ang balota na naglalaman ng huling kopya ng resulta ng eleksyon.
Samantala, kilala si John sa magaling niyang pagganap bilang si Antonio Luna sa “Heneral Luna” ni Jerrold Tarog. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News