Nagpapasalamat si Rochelle Pangilinan sa kaniyang pagkakasama sa historical drama series na "Pulang Araw." Hiling niya, mapanood ito ng kaniyang anak at maipalabas sa mga eskuwelahan balang araw.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, sinabi ni Rochelle na pangarap talaga niya na makasama sa isang historical drama project.
“Pangarap ko talagang mapasama sa historical drama kasi gusto kong mapanood ako ng anak ko," sabi ni Rochelle. "Lalo na ‘yung mga ganito, sa school, sana maipalabas sa school.”
Inalala ni Rochelle ang mga panahong mga libro pa lamang ang meron sa mga batang nag-aaral. Ngunit ngayon, meron nang mga television series gaya ng "Pulang Araw" para magkaroon pa ng ideya ang mga kabataan tungkol sa kasaysayan.
“Dati, imagine mo lang ano itsura nung mga 1940s look, ano ba itsura nun? And then maghahanap ka sa iba't ibang libro. Ito, makikita mo na siya nang visual,” sabi ng dating Sexbomb dancer.
Ayon kay Rochelle, ang pinakamahirap na hamon sa paggawa ng naturang Kapuso series ay ipaalam na ang karakter na kanilang ginagampanan ay pinagdaanan din ng taong nabuhay nang panahon na iyon.
“Sure kami ‘yung mga character na ginagawa namin, may nabuhay na ganoong character noon. So nangyari na siya, history siya kaya kailangan talagang [bigyan ng justice] lahat ng roles na ginagampanan namin. Kailangang maniwala kayo na may ganitong tao na nabuhay noon,” sabi ni Rochelle.
"Sobrang proud po ako na mapasama dito sa ‘Pulang Araw’," dagdag niya.
Gumaganap si Rochelle bilang si Amalia Dimalanta-Torres, tiyahin nina Adelina (Barbie Forteza) at Eduardo (Alden Richards).
Ang series ay tungkol sa apat na magkakaibigan na sina Adelina (Barbie), Teresita (Sanya Lopez), Hiroshi (David Licauco), at Eduardo (Alden).
Masusubukan ang kanilang mga pangarap, pagkakaibigan at katapatan sa pagdating ng giyera at pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas, na hahantong sa kanilang pagtuklas sa kanilang mga sarili at paghubog ng kanilang katatagan.
Ginagampanan naman ni Dennis Trillo ang pinaka-antagonist na si Colonel Yuta Saitoh, isang Japanese imperial army officer na may misyong sakupin ang Pilipinas, pero iibig siya kay Teresita.
Napapanood ang Pulang Araw sa GMA Prime ng 8 pm pagkatapos ng GMA News 24 Oras. -- FRJ, GMA Integrated News