Naging usap-usapan sina Angelu De Leon at Claudine Barretto kamakailan matapos sabihin ng huli na ayaw niyang makatrabaho ang una.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, natanong si Angelu tungkol sa naturang isyu tungkol sa kanila ni Claudine.

Gayunman, may lumabas din na ulat na inihayag ni Claudine na nagsisisi siya kung bakit niya iyon nasabi.

Sa isa pang ulat, nilinaw ni Claudine na hindi siya galit bagkos ay nasasaktan ang nararamdaman niya para kay Angelu.

Ayon kay Tito Boy, nais din umano ni Claudine na makausap si Angelu.

Nang tanungin ni King of Talk si Angelu kung nagkausap na ba sila ni Claudine, sabi ng aktres na hindi pa dahil “wala pang pagkakataon."

"Umaasa pa rin ako na dadating ‘yung panahon na ‘yon,” ayon kay Angelu.

Nagkasama sina Angelu at Claudine sa isang youth-oriented variety noong 1990s. Sa lumabas na mga ulat, tila hindi nagustuhan ni Claudine na nagbibigay umano ng pahayag si Angelu tungkol sa kaniya, lalo na kung tungkol sa kaniyang pamilya.

Napapanood ngayon si Angelu sa bagong Kapuso series na “Pulang Araw,” bilang si Carmela Borromeo.

Ang "Pulang Araw" ay tungkol sa kuwento ng apat na magkakababata na sina Adelina (Barbie Forteza), Teresita (Sanya Lopez), Hiroshi (David Licauco), at Eduardo (Alden Richards), na masusubok ang samahan sa panahon ng digmaan nang sumalakay ang mga Hapon.

May mahalagang papel din na gagampanan si Dennis Trillo, na Japanese Imperial army officer na si Col. Yuta Saitoh.

Mapapanood gabi-gabi ang "Pulang Araw" pagkatapos ng "24 Oras," at ipinapalabas din sa Netflix.— FRJ, GMA Integrated News