Pinasalamatan ni Alden Richards si Barbie Forteza sa ibinigay na payo sa kaniya para makahanap ng lovelife. Pero kumusta na nga ba ang kaniyang buhay-pag-ibig ngayon? Alamin.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, hiningan si Alden ng reaksyon tungkol sa payo sa pag-ibig na ibinigay sa kaniya ni Barbie, bilang si "Mila," na karakter ng aktres sa pelikulang "That Kind of Love."

"Natuwa po ako, napangiti ako while watching," sabi ni Alden, na bibida sa inaabangang series na "Pulang Araw," kasama si Barbie.

Aminado ang aktor na tinamaan siya sa payo ni Barbie dahil sa pagiging pribado niyang tao.

"I'm a very private person kasi Tito Boy. I'm not always out in public, I don't share too much," pagpapatuloy ng Asia's Multimedia Star.

Guest noon sa "Fast Talk with Boy Abunda" si Barbie, nang hingan siya ng King of Talk ng mga payo para sa kaniyang mga kaibigang celebrity bilang ang karakter niyang si Mila.

“Make time for yourself. Be more social outside of work, and just have fun,” payo ng aktres kay Alden.

Nang kamustahin ni Tito Boy ang lovelife ni Alden, sabi ng binata, “Sa ngayon, Tito Boy, in all honesty naman, I’m enjoying my time.”

“Pero if ever man po — ganito na lang. Just to settle this question, kung magpapa-presscon ako, Tito Boy, kukunin kitang host ‘pag mag-a-announce na po ako officially kung sino ang aking makaka-partner,” pagpapatuloy niya.

Sa Fast Talk segment, sinabi ng 32-anyos na si Alden, na ang ideal age niya para magpakasal ay edad 35. -- FRJ, GMA Integrated News