Pinangunahan ni Heart Evangelista ang pamamahagi ng relief goods sa Sto. Niño Elementary School sa Marikina City.

Sa mga larawan ni Nelson Canlas ng GMA Integrated News, makikita si Heart na nasgsisilbing presidente ng Senate Spouses Foundation Inc. (SPFI),  na namamahagi ng mga pagkain at iba pa sa mga taong sumilong sa eskuwelahan dahil sa naranasang matinding pagbaha sa Marikina at iba pang bahagi ng Metro Manila.

Sa Instagram Stories, sinabi ni Heart na sinimulan ng kaniyang team ang repacking ng mga donasyon noong Huwebes ng umaga.

Pinasalamatan niya ang miyembro ng Senate Spouses na si Kathy Pimentel sa pagkuha ng mga relief good na kanilang ipinamahagi.

Kabilang si Heart sa mga Kapuso star na kumilos para tulungan ang mga nasalanta ng Habagat at bagyong Carina.

BASAHIN: Marian at Dingdong, nag-donate ng relief packs para sa mga nasalanta ng Bagyong Carina, Habagat

Bukod sa pag-donate sa GMA Kapuso Foundation ng nalikom mula sa katatapos na GMA Gala, tumulong din ang mga Sparkle sa Operation Bayanihan ng foundation para maghatid at magkaloob ng mga relief good.

Nagsimulang pamunuan ni Heart ang SPFI noong June nang maging Senate President ang kaniyang mister na si Sen. Francis Escudero.
Magkasama sina Escudero at Heart na dumalo sa nakaraang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nitong nakaraang Lunes.—FRJ, GMA Integrated News