Hindi napigilan ni Alden Richards na maging emosyonal nang ikuwento ang karanasan ng kaniyang lolo at lola noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil sa kaniyang karakter sa "Pulang Araw," mas naunawaan niya ang kanilang pinagdaanan.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, inilahad ni Alden na mahalagang mapanood ng mga Pilipino ang "Pulang Araw" dahil sa paniwala niya na "history is taken for granted."
Idinagdag ni Alden, ang karanasan ng ating mga ninuno noong panahon ng giyera ang isa sa mga dahilan kung bakit may kalayaan ngayon ang ating bansa.
"Napakahirap po ng mga pinagdaanan ng mga Pilipino [noon]," saad niya.
Itinuturing ni Alden na blessing ang pagiging bahagi niya ng Pulang Araw dahil kahit papaano ay naranasan niya sa paraan ng kanilang proyekto ang napagdaanan ng kaniyang lolo at lola, na nagkakilala noong panahon ng digmaan.
"Mas lalo ko pong minahal 'yung mga lolo at lola ko... their hardships during that time. 'Yung karanasan na dadapa sila, wala silang ibang puwedeng gawin," anang Asia's Multimedia Star.
"Casual lang nilang kinukuwento, ang hirap nu'n. Pero for them that was life during 1940s," dagdag pa niya.
Gumaganap si Alden bilang si Eduardo dela Cruz, kapatid sa labas ni Adelina, na ginagampanan naman ni Barbie Forteza.
Mapapanood na ang Pulang Araw simula sa Hulyo 29 ng 8 p.m. sa GMA Prime.
-- FRJ, GMA Integrated News