May mga nakapansin na wala si Jennylyn Mercado sa katatapos lang na GMA Gala 2024, katulad nang nangyari sa bagong GMA Station ID.

Sa ginanap na GMA Gala sa Marriott Hotel nitong Sabado, mag-isa ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo na rumampa sa red carpet.

Kaya ilang fans ang nagtanong kung bakit wala si Jennylyn.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Dennis na nagkaroon ng emergency sa kanilang bahay at kinailangang maiwan si Jennylyn.

"Nagkaroon kami ng emergency sa bahay kaya hindi siya nakasama," ani Dennis. "Mga bagay lang na hindi maiwan ng ina."

Sinabi rin ng hairstylist ng aktres na si Bianca Anne Vergara, na handa na ang glam team ni Jennylyn para sa GMA Gala pero nagkaroon ng sakit ang anak nito na si Jazz.

Ipinakita pa niya ang dapat na magiging kasuotan sana ni Jennylyn na black mermaid-cut gown.

Nagbahagi rin si Jennylyn ng video habang suot ang naturang gown habang kunwaring isa siyang supermodel.

Kamakailan lang, nagkaroon ng usap-usapan na baka lilipat ng ibang TV network si Jennylyn dahil hindi siya sa kasama sa bagong Station ID ng GMA.

Pero ipinaliwanag ng manager ni Jennylyn na si Becky Aguila, nananatiling loyal sa GMA ang aktres at nagkataon lang na hindi pupuwede si Jen nang araw na gawin ang shoot para sa station ID.

Sa hiwalay na panayam, inihayag din ng aktres na masaya siya sa pagiging Kapuso at walang ibang nag-aalok sa kaniya na lumipat. --FRJ, GMA Integrated News