Unang nakilala si Diana Zubiri sa kaniyang mga pelikula ang sexy ang tema at naging kontrobersiyal ang kaniyang cover photo sa isang men's magazine. Ngunit may pagkakataon kaya na napilitan lang siya na sumabak sa pagpapa-sexy?

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, sumalang sina Diana, Maui Taylor at Aubrey Miles, na tanyag sa kanilang pagpapa-sexy noong 2000's, sa segment na "Fast Talk."

"Guilty or not guilty. Napilitang magpa-sexy?" tanong sa kanila ni Tito Boy.

"Guilty," tugon ni Diana.

Sina Maui at Aubrey naman, parehong "not guilty."

Muling nagbalik-tanaw si Diana sa kaniyang kontrobersiyal na sexy shoot noon sa EDSA flyover sa Ortigas para sa isang men’s magazine, na dahilan para makasuhan siya.

Kuwento niya, pumayag si Diana sa shoot, sa kondisyon na bibigyan siya ng bagong modelo ng cellphone ng kaniyang manager.

Muling humingi ng tawad si Diana kay Benjamin Abalos Jr., na mayor ng Mandaluyong noong isinagawa ang shoot.

"To Mayor Abalos, forever po akong thankful at sorry na," sabi ni Diana na hindi pa raw nakikita nang personal ang dating alkalde na kalihim ngayon ng DILG.

Matatandaang noong Oktubre 29, 2002, sinampahan si Diana at ang FHM team ni Abalos ng grave scandal.

Iniurong naman ni Abalos ang kaso nang humingi ng paumanhin ang aktres.

Sa Fast Talk segment, alamin kung sino sa tatlo ang madaling yayain sa gimik, madaling utangan, habulin ng lalaki, may pinagsabay na boyfriend, at may sinugod na babae. Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News-- FRJ, GMA Integrated News