Aminado si Jennylyn Mercado na marami ang naghihintay sa kaniyang sagot kaugnay sa mga espekulasyon na lilipat siya sa ibang network.

"Happy pa rin ako na maging Kapuso," paglalahad ni Jen sa event ng isang beauty brand nitong Huwebes, ayon sa ulat ng gmanetwork.com.

"Ang daming naghihintay ng sagot, 'Lilipat ba?' Ako naman twenty years na po akong Kapuso and I'm very thankful na hanggang ngayon e, ako po ay Kapuso pa rin," dagdag niya.

Sa ngayon, patuloy sa pag-aayos ang management ni Jennylyn sa kaniyang mga trabaho.

"Happy pa rin ako na maging Kapuso," anang Ultimate Star. "Sa ibang network po, wala pong offer ng ibang network."

Naging usap-usapan ang paglipat umano ni Jennylyn matapos mapansin ng netizens na hindi siya kasama sa GMA Network station ID.

Ngunit paliwanag ng kaniyang manager na si Becky Aguila, nananatiling loyal sa GMA at hindi lumilipat ng ibang network si Jennylyn "for as long as her mother network wants her to stay."

Ipinaliwanag din ni Becky na "unavailable" lang si Jennylyn nang araw na gawin ang shoot ng station ID.

Samantala, malapit na ring ipalabas ang romantic comedy film nila ni Dennis Trillo na "Everything About My Wife," na kanilang unang proyekto bilang mag-asawa.

Ang pelikula ay isang Philippine adaptation ng isang Argentinian film.-- FRJ, GMA Integrated News