Inamin nina Katya Santos at Sheree na hindi nila gusto na matawag na "bold star" noong kasikatan ng grupo nilang Viva Hot Babes. Saad ni Katya, "Hindi ganun kadali na maging naked on screen."

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Miyerkules, sinabi nina Katya at Sheree na mga aktres sila na kailangan lang gampanan ang kanilang sexy roles.

"'Yun lang 'yung masakit minsan, 'O, bold star ka lang,' ganiyan. Parang 'yung 'lang,' parang why?" sabi ni Katya. "Hindi n'yo ba alam na hindi ganun kadali na maging naked on screen 'di ba. So it takes courage, will power na maghubad ka in front of someone."

Sinuportahan ni Sheree ang pahayag ni Katya, at ipinaliwanag na kailangan nilang maghubad sa harap ng camera dahil sa kailangan sa istorya ng kanilang pelikula.

"Actually 'yun talaga 'yung pinaka ayaw naming na word na ginagamit pagkadine-describe kami. Kasi if you need to take off your clothes for a certain role or story, wala kaming choice eh," ani Sheree.

Tinanong ni Tito Boy kung ano ang motibasyon nila para gawin ang mapangahas na eksena.

"Real talk, fame of course. Because if you're famous dire-diretso na 'yung work mo," sabi ni Katya. "Parang naging stepping stone lang siya na magkaroon ka pa ng more projects."

Sa naturang panayam, inihayag din ni Tito Boy ang kaniyang paghanga kina Katya, Sheree, at iba pang miyembro ng Viva Hot Babes, dahil sa kabila ng kanilang sexy image, nakikita umano niya ang mga ito na "may class at dignidad" kapag nagpo-promote ng mga proyekto.

Ilan pa sa miyembro ng Viva Hot Babes noon sina Maui Taylor, Andrea Del Rosario, Gwen Garci, Jen Rosendahl, at iba pa.

Bukod sa pag-arte, nakagawa rin ng mga kanta ang grupo kabilang ang "Bulaklak," "Kikay," at "Basketbol."-- FRJ, GMA Integrated News