Inilahad ni Bianca Umali na nasukat ang pagmamahal nila sa isa’t isa ni Ruru Madrid nang maghiwalay sila. Inamin din ng aktres ang "eksenang" nangyari sa parking lot dahil sa selos.

Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, sinabi ni Bianca na ikalawang taon ng relasyon nila ni Ruru Madrid nang mapag-isip-isip sila kung sila nga ba ang para sa isa’t isa.

“Pangalawang taon ng relasyon namin is actually the consequences of what happened in the first year. ‘Yung second year namin is actually that year na we were looking and working on deciding whether we wanted to choose and stay with each other. Doon talaga namin nasukat ‘yung pagmamahal namin,” sabi ni Bianca.

“To share also, naghiwalay kami for a while. Hindi niya hinayaan na hindi kami magkasama, na talagang mawalan kami ng communication, but the relationship became cold. And so I wasn’t really reciprocating every time he told me that he loved me and also he was very apologetic sa kung ano ‘yung nagawa na mali,” pagpapatuloy niya.

Matatandaang naging usap-usapan noon ang isang insidente sa parking lot sa isang mall kung saan nag-away sina Bianca at Ruru.

Umamin si Bianca na nagkaroon ng "eksena" sa parking lot, at selos ang pinag-ugatan ng kanilang away.

Pansamantala silang "naghiwalay" ni Ruru pero nanatiling bukas ang komunikasyon nila sa isa't isa.

Sa kabila nito, hindi rin nila natiis ang isa’t isa.

“Ako rin, sa totoo lang, kahit na I was in pain, hindi ko rin kaya na mahiwalay sa kaniya. But that whole year after the first year, ‘yun ‘yung tinatrabaho namin na at the end of that year, na-realize namin na sa hirap at ginhawa, kung ano man ang mali, kung ano man ang masakit at masaya sa mga puso namin, pinili namin na mag-stay kasama ang isa’t isa,” ani Bianca.

Ayon pa sa aktres, hinayaan muna nilang humupa ang kanilang mga naramdamang sama ng loob.

“Hindi namin sinugar coat ‘yun sa isa’t isa. We respected each other’s feelings na alam kong nakasakit siya, alam niyang nasaktan ako, and we were learning together still throughout that process na he let me heal," ani Bianca.

"And I know that he was healing as well kasi alam kong nasaktan din niya ‘yung sarili niya, and nasasaktan siya na hindi ko naipaparamdam sa kaniya na may tiwala ako sa kaniya at mahal na mahal ko siya the same way that he realize he does for me,” dagdag pa ng aktres.

Sa kaparehong interview, inilahad ng Kapuso couple na halos hindi sila makapaniwala na nakayanan nila ang mga pagsubok sa kanilang relasyon.

“It has been one heck of a ride, honestly. There’s no specific words that could really describe, pero it’s a journey that, we actually also are surprised that we have been surviving and we are still enjoying it together,” sabi ni Bianca.

Ipagdiriwang nina Bianca at Ruru ang kanilang ika-anim na anibersaryo.-- FRJ, GMA Integrated News