Inihayag nina Bianca Umali at Ruru Madrid na hindi nila kinokonsidera ang mag-live in.

Sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, sinabi rin ni Bianca na iginagalang nila pareho ni Ruru ang mga patakaran ng kanilang relihiyong Iglesia Ni Cristo.

“Pero sa ngayon, especially that we are in our religion as well, it’s not tolerated to live inside one roof nang hindi kayo kasal. And we honor that,” saad ni Bianca.

Dagdag pa ng Sparkle actress, hinihintay din niya ang tamang panahon.

“Ako rin po, alam ko na I am reserving myself for that person who I know will love me forever. Alam kong si Ruru ‘yon. Alam kong dadating kami roon,” ani Bianca.

Ayon pa kay Bianca, halos hindi sila makapaniwala pareho ni Ruru na nakayanan nila ang mga pagsubok sa kanilang relasyon.

“It has been one heck of a ride, honestly. There’s no specific words that could really describe, pero it’s a journey that, we actually also are surprised that we have been surviving and we are still enjoying it together,” sabi ni Bianca.

“We have that conversation palagi, especially now na alam namin na papalapit na ang anniversary namin,” dagdag niya.

Para naman kay Ruru, may dahilan kung bakit kailangan nilang dumaan sa mga pagsubok.

“Minsan napapaisip ka, noong una ang daming pinagdaanan na mga pagsubok. Ngayon kahit ano po ang mga nangyayari sa amin, doon mari-realize na lahat may dahilan kung bakit kailangan nating pagdaanan ang mga unos na ‘yon kasi ito pala ang kapalit noon, kung ano ‘yung mga tinatamasa namin ngayon,” saad ng Black Rider star.

Sinabi ni Bianca na hindi maiiwasan ang mga pagsubok sa relasyon.

“Every year meron kami talagang pagsubok na pagdadaanan. So far wala kaming mapipili kung ano ‘yung toughest, because almost every challenge that goes through the relationship is always the hardest,” sabi niya.

Sa kabila ng hindi perpekto ang kanilang relasyon, sinabi ni Bianca na proud sila rito ni Ruru.

“We are also very open to sharing our stories kasi that’s the reality of every relationship. Walang relasyon ang perpekto, and we are proud of all the imperfections that we have gone through because alam namin ni Ruru ang tinahak naming dalawa para maging ganito kami ka-strong ngayon,” sabi ni Bianca.

Nagsimulang maging bukas si Ruru tungkol sa namamagitan sa kanila ni Bianca noong 2022.--FRJ, GMA Integrated News