Inilahad ni Sanya Lopez na may ilan na siyang naka-mutual understanding, pero hindi ito humahantong sa relasyon dahil sa mga nakikita niyang "red flags" at pagiging demanding ng lalaki.

“Ka-mutual understanding lang talaga sa akin, laging ganu’n lang. Lagi akong nandoon sa, feeling ko sasagutin ko na dapat siya pero biglang, ‘Oops, wait lang,’” pagbabahagi ni Sanya sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras.

Tinanong ng GMA Integrated News si Sanya kung bakit siya tila umuurong.

“Medyo kapag nagiging masaya na ako masyado, ipinagpe-pray ko na ‘yan. Then after kong mag-pray, nakikita ko na agad ‘yung mga, oops may mga red flag, lumalabas ang red flags niya.”

Bukod dito, may mga demand sa kaniya ang lalaking kaniyang naka-mutual understanding.

“Laging ‘yun ang demand niya sa akin, time. Na ‘You don’t have time for me, parang lagi ka na lang work. Work, work, work.’ Part of it, feeling ko fault ko rin naman talaga na hindi ko mabigyan ng ‘yung isang tao ng oras because may mga pina-priority ako,” saad ng Sparkle actress.

Para kay Sanya, mahalagang nauunawaan din ng lalaki ang kaniyang sitwasyon, lalo’t isa siyang showbiz personality.

“But if you really love someone, maiintindihan mo naman siguro ‘yung sitwasyon ko. And madalas kasi nagiging issue lang naman sa amin pareho is that hindi nila naa-appreciate ‘yung oras na ibinibigay ko sa kanila.”

Ibinahagi rin ni Sanya ang kaniyang pananaw tungkol sa dating.

“Sadly ang nangyayari sa generation now, ‘yung dating is just like a normal na puwede kang makipag-date kung kani-kanino, nagiging normal na sa atin ‘yung mga dapat hindi natin ginagawa,” sabi niya.

“Ang hirap makahanap ng true love. That’s why natatakot ako pumasok sa relasyon, kasi feeling ko may seseryoso ba sa seryosong katulad ko?”

Ibinahagi rin ni Sanya ang kaniyang takot at pangamba nang magkaroon siya noon ng stalker.

Sinabi ni Sanya na tila nakasunod ang stalker saan man siya magpunta.

“Nakakatakot siya. May moment na, hindi ko alam kung nanghuhula lang ba, ang galing niya kung paano… ‘Nandito ka ano?’ Parang may ganu’n. Nakakatakot lang kasi, chat lang naman siya though,” sabi ni Sanya.

“Anytime, ‘May camera ba rito?’” tanong ni Sanya sa sarili. “Nakaka-praning din minsan na parang, kunwari nasa labas ako, alam niya. ‘Nandito ka pala.’”

Bahagi si Sanya ng cast sa thriller-drama ng GMA Pictures at Viva Films na “Playtime,” at kasama niya rin dito sina Xian Lim, Coleen Garcia at Faye Lorenzo. Mapapanood ito sa Hunyo 12. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News