Naglabas ng pahayag si Niño Muhlach kaugnay sa mga pumupuna sa lovelife ng kaniyang ama na si Alex sa mas bata nitong karelasyon na si Mae Fortaleza.

Nasa 52 taon ang agwat ng edad ng 82-anyos na si Alex sa 30-anyos niyang partner na si Mae.

Sinabi ng nakatatandang Muchlach na taong 2014 pa sila magkarelasyon ni Mae.

May ibang netizens na ikinumpara ang relasyon nina Alex at Mae, kina Batangas Governor Hermilando ‘Dodo’ Mandanas, 80-anyos, at sa pinakasalan niyang abogada na si Atty. Angelica Chua, 32-anyos.

BASAHIN: 80-anyos na si Batangas gov. Mandanas, ikinasal na sa 32-anyos niyang nobyang abogada

Sa Facebook post, sinabihan ni Niño ang mga basher ng kaniyang ama na dapat matuwa sila na may dalawang tao na nagmamahalan.

"Di ba kayo natutuwa na may 2 tao na nagmamahalan? Kami nga mga kamaganak eh natutuwa para sa kanila eh. Di naman kayo apektado di ba? Good vibes lang!," ayon sa aktor.

Paalala pa niya, "Nakaka-depress at malas sa buhay" kapag nagsasabi ng masama sa mga taong hindi naman kakilala.

Dinepensahan din ni Niño si Mae mula sa mga basher.

"Isa pa hindi naman namin magagawa ung alagang ginagawa nya sa Daddy ko eh. This is the happiest i have seen my dad," saad pa ng aktor.

"Bigat sa buhay pag puro kanegahan," pagtatapos niya.

BASAHIN: Niño, ipinaliwanag kung bakit niya ibinenta kay Boss Toyo ang isa niyang FAMAS trophy

Sa ulat ng PEP.ph, nagbigay din ng komento ang Kapuso actor na si Sandro Muhlach, anak ni Niño, tungkol sa isyu ng lovelife ng kanyang lolo.

Sinabi ni Sandro, na hindi pinapansin ng kaniyang lolo at ni Mae ang mga negatibong komento ng netizens tungkol sa kanila.

Hindi raw nila inaasahan na magiging isyu sa social media ang love story ng dalawa.

“Yung lolo ko po and yung partner niya masaya about it," ani Sandro. "At hindi naman nila pinapansin yung mga negative comment ng netizens kasi sila lang naman po ang nakakaalam sa pinagdaanan ng love story nila, and I support them ever since po.”

Sabi pa ni Sandro, may mga positibo rin naman namang mga komento ang netizen tungkol sa kaniyang lolo. Gaya ng pagiging guwapo pa rin nito at mukhang bata sa kaniyang edad na 82.-- FRJ, GMA Integrated News