Ibinenta kamakailan ni Niño Muhlach kay Boss Toyo ng Pinoy Pawn Star, ang isa sa kaniyang Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) trophy sa halagang kalahating milyong piso.
Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, tinanong si Niño kung bakit niya kailangang magbenta ng gamit gayung batid ng mga tao na matagumpay naman siya sa buhay.
Ayon sa dating child star, si Boss Toyo talaga ang nag-alok na bumili ng kaniyang FAMAS trophy.
"Tinawagan ako ni Boss Toyo. He was telling me nga na mayroong nag-offer sa kaniya ng FAMAS Award ng child star pero hindi daw niya binili because para sa kaniya ang child star talaga sa isipan niya was Niño Muhlach," kuwento ng aktor.
"Eh I have five awards, nakatambak lang sa bahay. Hindi ko naalagaan," patuloy niya.
Ayon pa kay Niño, nagkaroon sila ng kasunduan ni Boss Toyo na hindi puwedeng ibenta sa iba ang kaniyang FAMAS trophy at dapat itong ilagay sa gagawin niyang museum.
"Ang usapan namin ni Boss Toyo, sige I'll send it to you but pero may deal. Kailangan i-restore mo na magmumukhang bago and idi-display mo sa museum at hindi mo puwede ibenta. Idi-display niya sa doon museum niya na forever makikita ng mga tao," paliwanag ni Niño.
Binansagan noon na "Child Wonder" na naging pinakapopular na child actor sa Pilipinas noong dekada '70s.
Mayroon na siyang dalawang anak na sina Sparkle actor Sandro mula sa dati niyang asawa na si Edith Millare, at si Alonzo sa kaniyang asawa ngayon na si Diane Tupaz. —FRJ, GMA Integrated News