Ipasusubasta ang acoustic guitar ni Eric Clapton na kaniyang ginamit sa pag-compose ng hit love ballad na “Wonderful Tonight” noong 1977.
Sa ulat ng Reuters, na iniulat din sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing makikita sa gitara ang sticker at ang mga marka ng sigarilyo sa headstock nito.
Ayon sa auction company na Bonhams, nabili ni Eric ang instrumento noong mid 1970s.
Ang kanta ay tungkol sa modelong si Pattie Boyd, dagdag ng Bonhams. Base sa rock legend, sinulat ni Eric ang “Wonderful Tonight” habang hinihintay si Pattie na mag-ready sa isang party.
Sinabi ng organizer na posibleng maibenta ang gitara ng hanggang $500,000 o mahigit P28.8 milyon.
Idi-display ito sa "Rock, Pop & Film" auction sa London Knightsbridge saleroom sa England sa Hunyo 12. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News