Ibang Angeli Khang naman ang mapapanood ng kaniyang fans sa kaniyang pagganap bilang si Nimfa na tindera ng pinya sa Kapuso primetime series na "Black Rider."
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, may pasilip sa palaban na ngayong karakter ni Angeli.
Nakikipaglaban na siya at inuundayan ng saksak ang kalaban, naging backrider din habang may mga nagpapaputok, at tumatakbo habang may mga sumasabog.
Mayroon ding tagpo na magiging sniper si Angeli habang nasa bubungan para tulungan si Elias, na karakter ng bidang si Ruru Madrid.
First time daw na ginawa ni Angeli ang mga action scene at ikinatuwa ito ng aktres na unang nakilala sa kaniyang mga sexy role.
"Ibang feeling siya. Masarap sa feeling na nakakagawa naman ako ng ibang project," ayon kay Angeli.
Lalo pang umiinit ang mga tagpo sa "Black Rider" lalo na kapag nakatakas mula sa kulungan si Edgardo o Senior na ginagampanan ni Raymond Bagatsing.
Mapapanood ang Black Rider gabi-gabi pagkatapos ng "24 Oras."--FRJ, GMA Integrated News