Pumanaw na sa edad 60 ang kilalang voice artist na si Priscila Rose Nalundasan, na siyang nagbigay-buhay sa karakter na si Manang Bola sa sikat na 1980s children's show na "Batibot."

Ito ang kumpirmasyon ng kaniyang anak na si Jaymar Nalundasan, na nagbahagi ng isang video ng tila sulyap sa "huling boses" ni Manang Bola.

Ayon sa post, sinabi ni Jaymar na nahihirapan nang magbasa ang kaniyang ina dahil apektado ng diabetes ang mga mata nito.

"Isang paghanga at pamamaalam. Mahal naming nanay," saad ni Jaymar.

Kinumpirma rin ni Bodjie Pascua, co-star ni Priscila at kilala bilang si "Kuya Bodjie," ang pagpanaw nito.

"Heartbroken to find out that Priscila Rose Nalundasan, our dearest Manang Bola, passed away this morning. Love you, dear friend. Sobra kitang mami-miss Rose. Rest in peace," caption niya.

Kilala si Manang Bola sa kaniyang linya na "Perlas na bilog, wag kang tutulog-tulog, sabihin sa akin ang sagot. Ba-be-bi-bo-bu."

Ilan pa sa kaniyang mga naging proyekto ang short film na Tuksó (2010) at Day Zero (2022).

Nag-guest din si Priscila sa Family Feud noong nakaraang taon kasama sina Bodjie, Adriana Agcaoili at Soliman Cruz.

 

Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News