Sasailalim sa isang medical procedure ngayong buwan si David Licauco para magamot ang kaniyang sleep disorder na sleep apnea.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing umaasa ang Kapuso actor na magiging maayos ang resulta nito.
"I just can't wait for that day na mas maging OK ako dahil it's affecting my daily life, my mental health, so I want to do it. I just want that to be over para mas, again, to live my best life," ayon kay David.
Ang sleep apnea ay isang seryosong sleep disorder na paulit-ulit na tumitigil at muling nagsisimula ang paghinga ang isang tao. Dulot nito, malakas humilik ang mga taong may sleep apnea at nakakaramdam ng pagkapagod kahit kakagising lang.
Umaasa rin si Barbie Forteza sa positibong resulta ng gagawing surgery sa kaniyang ka-love team.
Ayon kay Barbie, nabanggit sa kaniya ni David ang naturang operasyon nang magkasama sila sa Canada para sa Sparkle tour.
"Siyempre, I'm hoping na magiging maganda 'yung resulta, hindi ba? And it will be for his improvement, para hindi na rin siya gaanong ma-challenge when it comes to working late or having to wake up early," ayon kay Barbie.
Nang nagsisimula pa lang silang magtambal sa proyekto at hindi pa niya alam ang problema ng aktor sa pagtulog, napansin ni Barbie ang pagiging late ni David.
Muling magkakasama sina Barbie at David sa upcoming series na "Pulang Araw," na bida rin sina Sanya Lopez, Dennis Trillo, at Alden Richards.
Mayroon din pelikula sina Barbie at David na may pamagat na "That Kind of Love." —FRJ, GMA Integrated News