Itinuturing ni Pokwang na “big relief” ang pagkaka-deport sa Amerika ng kaniyang dating partner na si Lee O’Brian. Ngunit ang komedyana, patuloy na hihingi ng child support at hindi ipagkakait dito ang anak nilang si Malia.
"It's a big, big relief kasi para sa kapayapaan ko, kapayapaan niya,” saad ni Pokwang sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras nitong Huwebes.
Inanunsyo ng Bureau of Immigration na nakaalis na ng bansa si O'Brian Lunes ng gabi, Abril 8, patungong San Francisco, California.
Inihain ni Pokwang ang deportation case, Hunyo noong nakaraang taon.
Nagwagi si Pokwang sa kaso Disyembre nang matuklasan ng BI ng paglabag ang pananatili ni O’Brian, kabilang na ang kawalan ng proper working permit.
Inapela ito ni O'Brian, ngunit na-deny kaya tuluyan na siyang ipina-deport.
“Meron naman tayong batas na sinusunod. Siyempre nagkaroon tayo ng paglabag sa batas, so kailangan nating sundin kung ano yung mga [batas]. Kasi kung tayo nga sa ibang bansa, ‘yung mga OFW natin sumusunod, minsan kaunting ano, napaparusahan tayo. Dapat ganu’n din sila rito sa atin. So ginawa lang po ng ahensiya ng immigration ang kanilang trabaho,” saad ni Pokwang.
Blacklisted na rin si O'Brian na nangangahulugang hindi na siya papayagang makabalik ulit ng Pilipinas.
Ngunit sinabi ni Pokwang na kahit nasa Amerika na ulit si O’Brian, patuloy pa rin siyang hihingi rito ng child support para sa anak nilang si Malia.
“Kailangan ‘yun. Bilang magulang, well hindi naman ginusto ng bata na isilang siya. May responsibilidad po tayo sa mga anak natin, lalo sa ganiyang edad. Siyempre ‘di ba and bilang ama responsibilidad din po niya ‘yun… Karapatan ng bata ‘yun.”
Bukod dito, handa rin si Pokwang kung sakaling gustong makita ni Malia ang kaniyang ama sa hinaharap.
“Siyempre siya pa rin ang tatay. Hindi ko naman po ipagdadamot kung lalung-lalo na kung mag-e-effort talaga siya. Hindi ko naman ipagdadamot,” anang TiktoClock.
“Alam ko balang araw mapapanood din ito ni Malia. Ako, responsibilidad ko po ‘yun na ipaliwanag sa kaniya nang maayos, nang patas, kung bakit nangyari at kailangang mangyari ito,” dagdag niya.
Hiling niya na dahil nasa sariling bansa na si O’Brian, ay makakahanap na ito ng hanapbuhay.
Si Pokwang naman, makapagtatrabaho na nang maayos sa TiktoClock at Jose and Maria's Bonggang Villa.
“Well, magpaka-busy lalo, magtrabaho, magfocus focus na. Tapos na 'to, okay, and answered prayer naman 'to para sa kapayapaan ko ng isip ko at ganon din naman sa kaniya. Kagaya ng sinabi ko moving forward, magtrabaho tayong dalawa to provide for Malia's future,” sabi ni Pokwang. — VBL, GMA Integrated News