Naipa-deport na si Lee O’Brian, na dating partner ni Pokwang, ayon sa anunsyo ng Bureau of Immigration nitong Huwebes.

Ayon sa BI, naipa-deport na ang American national noong Lunes ng gabi matapos makumpirmang wala na siyang mga pending na lokal na kaso.

Kasali rin si Lee sa blacklist ng BI, na nangangahulugang pinagbabawalan na siyang bumisita sa Pilipinas sa hinaharap.

Nanalo si Pokwang sa kaniyang deportation case laban kay Lee noong Disyembre 2023 dahil sa pagtatrabaho umano ng American national sa bansa nang walang kaukulang permit.

Kinatigan ng BI ang reklamo, kung saan sinabi ng ahensiya na paglabag sa mga pinahihintulutan sa kaniyang tourist visa ang aktibong pagkasangkot ni Lee sa entertainment industry sa bansa mula 2016 hanggang 2023.

Inireklamo rin ni Pokwang si Lee ng umano’y financial abuse, intimidation, at abandonment sa anak nilang si Malia.

Ibinasura ng BI ang motion for reconsideration ni Lee.

Naghiwalay sina Pokwang at Lee noong 2021.

Ayon kay Pokwang, para na rin sa peace of mind nilang dalawa ang pagpapa-deport niya sa dating karelasyon.

“Hindi namin maitago ang aming kaligayahan sa balitang deported na si Lee O'Brian. Tunay na umaandar ang hustisya sa Pilipinas. Nagpapasalamat kami sa Bureau of Immigration. Bawal ang mga babaero at mapang-aping dayuhan sa ating bansa. The Philippines is, as it should be, for the true welfare of the Filipino,” saad ni Atty. Rafael Calinisan, counsel ni Pokwang sa isang pahayag. — VBL, GMA Integrated News