Inilahad ni Ronnie Ricketts na nagkaroon siya ng pag-aalinlangan o na-“phobia” na pumasok muli sa gobyerno matapos makasuhan ng katiwalian. Paglilinaw niya, napawalang-sala na siya ng Korte Suprema noong 2022.
Ang kaso isinampa laban kay ni Ronnie ay tungkol sa “mishandling of seized pirated DVDs and VCDs" noong 2010 habang pinuno pa ng Optical Media Board.
Ayon kay Ronnie, naglabas na ng desisyon ang SC na nag-aabsuwelto sa kaniya sa kaso bagaman hindi raw iyong masyadong ibinalita.
“Pero the funny thing, hindi na masyadong na-news [‘yung acquittal] eh," sabi ni Ronnie sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles.
“Pero nu’ng ako ‘yung natalo noong una, grabe banat sa akin left and right. So ang sama ng loob ko noon,” pagpapatuloy ng aktor.
Tinanong ni Tito Boy si Ronnie kung babalik pa siya sa paninilbihan sa gobyerno.
“Na-phobia ako eh,” saad niya. “Actually, may offer sa akin bumalik, pero ganu’n lang (pitik ng daliri), kayang sirain pangalan mo,” tugon ni Ronnie.
Dagdag pa niya, babalik lamang siya kung ito ang maging “calling” sa kaniya.
Isinaad naman ng asawa niyang si Mariz na ang graft case ni Ronnie ang pinakamalaking pagsubok na kanilang pinagdaanan bilang mag-asawa at sa kanilang pamilya.
“‘Yun din ang nagpatapang sa ‘kin kasi nakita ko gaano ka apektado si Ronnie and, really, he was so, so sad. Naawa ako sa kaniya,” sabi ni Mariz.-- FRJ, GMA Integrated News