Nagpaliwanag ang mga magulang ng sanggol na isinama nila sa isang gig ni Juan Karlos sa Tarlac, na nag-viral ang video makaraang mag-alala ang singer para sa bata dahil sa ingay ng paligid.
Sa panayam ni Jade Veronica Yap sa GMA News Online, unang nilinaw nina Niel Patrick Tubino at kaniyang asawang si Fyan, na pitong-buwang-gulang na ang kanilang baby na si Fiyana, at hindi dalawang-buwang-gulang.
“Sabi ng netizens, two months lang ‘yung baby namin," pagbabahagi ni Niel. "Hindi siya two months. Mag-eight months na siya."
Nagpakita rin sila ng footage sa gig, na mapapanood na binabasa ng “Ere” singer ang hawak nilang banner na nakasaad na: “Kahit isang karga lang mula sa pinakabata mong fan, Kuya JK.”
Isinigaw ni Niel sa OPM singer na, “Two months pa lang, kasama ka na nito!” kung kaya nasabi ang singer na, “Two months!?”
Sinabi naman ni Fyan na fan na ni JK si Fiyana mula pa noong dalawang buwang gulang pa lamang ito.
“May magandang song si JK na narinig ko sa ‘Senior High,’" panimula niya.
Matapos malaman ang titulo ng kanta, agad niya itong hinanap sa YouTube kung saan narinig ng baby ang kantang "Ere.”
Nagiging kalmado umano si Fiyana sa kanta, kaya nagsilbi na itong kaniyang “lullaby” o pampatulog.
“Naalala ko iyong sinabi ng pedia sa akin na ‘music can soothe babies, music can calm them, can make them relax.’ So 'di ko naman in-expect na doon sa song na ‘yon ni JK, doon siya mare-relax. Every time na magpe-play ‘yon, napapansin kong tumatahimik siya,” saad ng first-time mom.
“Kasi si baby namin, very iyakin," dagdag ni Fyan. "So noong pinagtugtog ko ‘yong 'Ere,' bigla siyang tumahimik tapos hinehele ko, nakatulog. Noong paulit-ulit na ‘nong narinig namin, ginawa ko na siyang pampatulog. Nakita namin na tumatahimik siya once iyon na ‘yong song,” pagpapatuloy niya.
Bukod sa “Ere,” sinabi pa ni Fyan na gusto rin ng kaniyang baby ang iba pang kanta ni JK gaya ng “Tapusin Na Natin To,” tampok ang Ben&Ben member na si Paolo Benjamin.
“Nakikita namin na kapag iyon ang tumutugtog, tumatahimik siya, na-re-relax talaga siya," anang 36-anyos na ina, na sinabi pang ipinakinig din nila ang mga musika gaya ng Cocomelon kay Fiyana ngunit “umiiyak siya. Ayaw niya. So ibabalik namin siya kay JK tapos doon siya tatahimik."
Inamin naman ni Fyan na kinukuwestiyon ng ibang tao ang pagkagusto ni Fiyana sa “Ere” sa kabila ng hindi angkop na lengguwahe nito sa isang bata, ngunit dumepensa siyang ito lamang ang natatanging kanta na nagpapakalma sa sanggol.
“Siyempre alam naman natin na yung mga baby 'di pa nila alam yung words,” paliwanag niya, na sinabing hindi niya hahayaang makinig sa kanta ang anak kung alam na nito ang kahulugan ng mga liriko.
Bukod kay JK, fan din si Fiyana ng iba pang OPM artists gaya ng December Avenue, Ben&Ben, at Lola Amour.
Kaya naman nang mabalitaan ni Fyan, na isang tubong Tarlac, na tutugtog ang December Avenue at si JK sa kanilang bayan sa Paniqui, sinamantala nila ang pagkakataong pumunta, para makita at marinig sila nang live ng kaniyang anak.
Ayon kay Fyan, dumating sila sa venue bandang 10 p.m., bago ang pinakahihintay na performance ni JK. Mahimbing na noon ang tulog ni Fiyana. "Si Fiyana kasi, the louder the music, the better she sleeps, so nu’ng naririnig niyang may tumutugtog na, unti-unti na siyang nakakatulog,” paliwanag niya.
Nang simulan na ni JK ang kaniyang performance, sinubukan ng mga magulang ni Fiyana na kunin ang atensyon ng singer gamit ang kanilang banner, at naging matagumpay bago ito bumaba sa entablado.
Binasa ni JK nang malakas ang kanilang banner, at ipinakita ang kaniyang pag-aalaga at pag-aalala sa sanggol na umiiyak.
Ngunit ipinaliwanag ng mag-asawa na umiiyak ang kanilang sanggol dahil nagulat siya sa mga sigaw ng mga tao.
“Kaya sabi ni JK umiiyak si baby kasi si mister ko tinataas niya bigla si baby, tapos nagugulat siya sa mga tili ng tao sa paligid, kaya umiiyak. Hindi dahil hindi siya komportable or naiingayan,” anila.
Pinabulaanan din nila ang sinasabi ng ilan na binuhat ni JK ang bata upang pakalmahin si Fiyona: “Kaya niya kinarga si baby kasi ni-request namin na makarga niya. Hindi dahil sa gusto nya. Hesitant kasi siya talaga."
Ayon pa kay Fyan, "Sabi ko, kahit isang karga lang. Tas nu’ng binuhat na niya, du’n tumigil si baby."
Ibinahagi rin ni Fyan na pinirmahan ni JK ang kanilang feeding bottle ng kanilang baby at inimbitahan pa sila sa backstage.
Tugon sa mga netizen
Sinagot din ng mag-asawa ang isyu tungkol sa kaligtasan ng kanilang sanggol, na sinabing sinusunod lamang nila ang mga mungkahi ng kanilang doktor.
“‘Yung anak namin, makikita mo makapal ang buhok. Suggestion din ng doctor niya na 'wag maglagay ng [bonnet] kasi baka 'di namin mapansin at matuyuan siya ng pawis,” saad ni Niel.
“Bakit wala siyang medyas? Alam naming pawisin siya kapag walang air-con. Yung mini-concert sa Tarlac, outdoor concert ‘yon. 'Di namin siya puwedeng balutin, kasi mamamawis siya,” dagdag niya.
Idinagdag ni Niel na may kasama rin silang tatlong nasa hustong gulang na, kabilang ang isang doktor.
Pinasubalian din nilang ginagamit lamang nila ang kanilang anak para mapansin ni JK. Ayon kay Niel, hindi nila malalaman ang tungkol sa singer kung hindi dahil sa kanilang anak. Katunayan, hindi raw sila pupunta sa gig kung hindi dahil sa kanilang anak.
“Personally, at bilang nanay, hindi ko ‘yon gagawin dahil lang trip ko si JK,” saad ni Fyan.
Bagama't hindi nila binibigyang pansin ang mga hater at bashers, pinaalalahanan ni Neil ang netizens na manatiling mapagbantay online dahil, “hindi lahat ng nakikita is ayun 'yung totoo.”
Pagkatapos ng nangyari, natutunan ni Fyan kung paano ipagwalang-bahala ang mga komento ng mga taong walang “bearing" sa kanilang buhay.
Sa kabila ng nangyari, nagpapasalamat pa rin ang mag-asawa kay JK sa pagpapasaya sa kanilang anak.
“Thankful at binigyan niya ng airtime si baby. Napagbigyan niya kaming parents. Core memory ‘yon at balang araw makikita ni Fiyana na sa edad niyang ‘yon nakarga siya ni JK na super idol nya. Maaaring malimutan agad ni JK ‘yon pero sa amin, sobrang tatatak ‘yon. Kaya thankful kami sa kaniya,” saad ni Fyan, at idinagdag na gusto nilang muling magkita si JK pero sa “more comfortable and conducive place” na para sa baby.
Nag-viral si Juan Karlos kamakailan matapos niyang ipakita ang malasakit at pag-aalala sa sanggol na isinama ng mga magulang nito sa kaniyang gig sa Tarlac.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News