Nagbabalik si Megan Young bilang presenter sa ika-71 Miss World competition na gaganapin sa Jio World Convention Center sa India sa Sabado.

Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing kinilala ng Miss World Organization ang husay ni Megan na itinanghal na Miss World 2013 sa larangan ng pag-arte, modelling at hosting.

“So excited!!!” komento ni Megan sa naturang post ng Miss World.

Makakasama ni Megan bilang co-host sa kompetisyon ang renowned Indian filmmaker na si Karan Johar.

 

 

Pambato ng Pilipinas sa kompetisyon ngayong taon si Gwendolyne Fourniol, na nakasama sa Top 23 sa Miss World Talent Competition.

Nakapasok din si Gwendolyne sa Top 25 ng Head to Head Challenge at nag-qualified sa Sports Challenge Final.

Tubong-Negros Occidental si Gwendolyne na ibinida ang Ilonggo textiles sa kaniyang national costume nang magpakilala sa pagsisimula ng kompetisyon.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News