Sinabi ni Andi Eigenmann na myocardial infarction o heart attack ang dahilan ng biglaang pagpanaw ng kaniyang ina na si Jaclyn Jose noong Sabado.
Sa press conference nitong Lunes, humingi ng pang-unawa at privacy si Andi sa panahon ng kanilang pandadalamhati.
"It's with great sadness that I announce the untimely passing of my nanay, Mary Jane Guck, better known as Jaclyn Jose," saad ni Andi.
"As our family is trying to come to terms with this unfortunate incident, please provide us the respect and piracy to grieve, and we hope this puts all the speculations to rest," dagdag niya.
Nagbigay-pugay rin si Andi sa "undeniable legacy" ng kaniyang ina na sinabi niyang "will forever live on through her work, through her children, through her grandchildren, and the many lives she's touched."
"She herself, her life itself, was her greatest obra maestra," sabi pa ng dating aktres na namumuhay na ngayon sa Siargao.
Sabado ng umaga nang pumanaw si Jaclyn, na kinumpirma ng talent management agency na PPL Entertainment sa social media post nitong Linggo.
Noong 2016, itinanghal si Jaclyn na Best Actress sa Cannes Film Festival para sa pelikulang "Ma'Rosa," na idinerek ni Brillante Mendoza.
Ilan pa sa mga naging proyekto ni Jaclyn ang "The Flor Contemplacion Story" (1995) at "Patay Na Si Hesus" (2019). Nakabilang din siya sa mga GMA Network series gaya ng "Marimar," "The Millionaire's Wife," at "D'Originals." —FRJ, GMA Integrated News