Sa Instagram post, ibinahagi ng Kapuso star Bea Alonzo kung paano niya ipinagdiwang ang Valentine's Day, ilang araw makaraang kumpirmahin nila ng dati niyang fiance na si Dominic Roque na tinapos na nila ang kanilang engagement.
Sa carousel post ng aktres, makikita na naka-pajama si Bea, may yakap na aso, kumakain at nanonood ng cartoons.
Ipinakita rin ni Bea ang magandang view ng magandang sikat ng araw mula sa bintana.
"Today’s snaps," saad ng aktres. "Happy Valentine’s Day, everyone."
Kamakailan lang, naglabas ng magkasamang pahayag sina Bea at Dominic para kumpirmahin na tinatapos na nila ang kanilang engagement.
Bago nito, inihayag ni Boy Abunda sa kaniyang programang "Fast Talk with Boy Abunda," na batay sa kaniyang mga mapagkakatiwalaang source na naghiwalay na ang dalawa.
Nang araw na iyon, sinabi ng King of Talk na sinusubukan pa ni Dominic na suyuin si Bea, at patuloy naman na nag-uusap ang dalawa.
Naging engaged sina Bea at Dom noong July 2023, dalawang taon matapos nilang kumpirmahin ang kanilang relasyon. — FRJ, GMA Integrated News