Wala mang pormal na pahayag sa estado ng kanilang relasyon, sinabi ni Yassi Pressman na masaya siya sa piling ni Camarines Sur Governor Luigi Villafuerte.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, nagbigay ng kaunting detalye si Yassi tungkol sa kaniyang love life.

"He just makes me really happy," sabi ni Yassi patungkol kay Luigi. "My heart is really, really full right now."

Nitong nakaraang linggo, nag-post si Yassi sa social media ng sweet video nila ni Luigi.

Wala pang opisyal na pag-amin ang dalawa sa tunay na estado ng kanilang relasyon pero inihayag ng aktres sa isang panayam noong nakaraang taon na nasa getting to know each other stage sila ng gobernador.

Sinimulan din ng dalawa ang pagpasok ng 2024 sa pamamasyal sa Vietnam.

Sa isang episode naman ng Fast Talk with Boy Abunda noong nakaraang Setyembre, inihayag ni Yassi ang paghihiwalay nila ng kaniyang dating non-showbiz boyfriend na si Jon Semira, kahit engaged na sila.

Napapanood ngayon si Yassi sa Kapuso primetime series na "Black Rider," na pinagbibidahan ni Ruru Madrid. —FRJ, GMA Integrated News