May pasilip na behind-the-scenes na ginawang sexy and classy photoshoot para sa mga Kapuso actress na ipinakilala bilang "Sparkle 10!"

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kahit hindi pa idinideklara ang panahon ng taga-init pero summer ready na ang "Sparkle 10" sa kanilang photoshoot.

Ang "Sparkle 10" ay kinabibilangan nina Ashley Ortega, Angel Guardian, Elle Villanueva, Faith Da Silva, Kate Valdez, Lexi Gonzales, Lianne Valentin, Liezel Lopez, Rabiya Mateo, at Shuvee Etrata.

Natatawang ikinuwento ni Faith ang ilang pangyayari sa kanilang photoshoot kung saan nagdala ng baon na pagkain na saging na saba si Angel, at may itlog na baon naman si Lianne.

"Ganun talaga diet food," sabi ni Faith.

Sa Instagram, nag-post si Rabiya ng behind-the-scene clip ng photoshoot, at inihayag niya ang kasiyahan at pasasalamat na naging bahagi siya ng grupo, "along side amazing and talented women of GMA.”

Ayon sa Sparkle, asahan ang mas marami pang proyektong gagawin ng 10 aktres ngayong taon.

"Sparkle 10 is a showcase of beauty, brains, and talent in all forms. Not sexiness but versatility in whatever roles they tackle," sabi ni Lawrence Tan, Sparkle's Consulting Head for Talent Imaging and Marketing sa inilabas nitong pahayag.

Noong nakaraang taon, inilunsad ng Sparkle na talent arm ng GMA ang Sparkle Teens. Bukod pa rito ang Sparkada at Sparkle 8, na kinabilangan nina Derrick Monasterio, Sanya Lopez at Kapuso celebrity couple Gabbi Garcia at Khalil Ramos. --FRJ, GMA Integrated News