Mula nang pumanaw noong nakaraang Disyembre ang ama niyang si Ronaldo Valdez, sinabi ni Melissa Gibbs-Pabalan na unang pagkakataon niyang napanaginipan ang kanilang padre de pamilya.

Sa Instagram, nag-post si Melissa, kapatid ni Janno Gibbs, ng kaniyang larawan noon bata siya kasama ang kaniyang ama.

“First time I dreamt of you last night papa,” saad ni Melissa sa caption.

“Niyakap kita and sabi mo sa ‘kin, ‘alam ko mahal na mahal mo ‘ko,'" patuloy niya.

BASAHIN: Janno, may ibinahagi tungkol sa pagkatao ng kaniyang ama na si Ronaldo na 'di batid ng marami

Inayunan ni Melissa ang komento kaniya ng follower na nagdudulot ng kasiyahan kapag napanaginipan ang isang mahal sa buhay.

“Super,” tugon ni Melissa sa komento.

 

 

Biglaan ang pagkawala ng beteranong aktor na pumanaw noong Disyembre 17 sa kanilang tahanan sa Quezon City.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ibinahagi ni Janno ang mga huling sandali ng ama, kabilang ang iniinda nitong sakit sa binti na dahilan kaya hirap nang makalakad.

BASAHIN: Janno, inilahad ang naging karamdaman ng kaniyang ama na si Ronaldo

Sinabi ni Janno na plano niyang isaboy ang bahagi ng abo ng kaniyang ama sa Baguio City na paboritong puntahan ni Ronaldo. —FRJ, GMA Integrated News