Sinabi ni Pokwang na nag-eempake na umano ang dati niyang American partner na si Lee O'Brian, batay sa nakuha niyang impormasyon. Kaugnay ito sa isinampa niyang deportation case laban sa ama ng kaniyang anak.

Sa panayam ng PEP.ph, inihayag umano ng aktres na, “Ang alam ko, nagliligpit-ligpit na.”

Inihayag din ni Pokwang na para na rin sa peace of mind nilang dalawa ang pagpapa-deport niya sa dating karelasyon.

“Para sa kaniya, para sa akin din ito," saad ni Pokwang. "Para sa kapayapaan naming pareho."

Nitong Enero, naghain si Lee ng motion for voluntary deportation matapos na katigan ng Immigration Bureau ang deportation case na inihain ni Pokwang laban sa kaniya noong Hunyo

Nagsumite rin si Lee ng counter-affidavit.

Nakasaad sa dokumento na nagtatrabaho si Lee sa Pilipinas kahit wala siyang working permit. Inireklamo rin siya ni Pokwang ng financial abuse, intimidation, at abandonment sa anak nilang si Malia.

Napag-alaman na 2021 nang maghiwalay sina Pokwang at Lee, at sinabi ng aktres na pinalayas niya ng bahay ang kaniyang dating karelasyon. —FRJ, GMA Integrated News