Marami raw na-achieve na milestones si Kapuso Primetime Goddess Carla Abellana simula last year hanggang ngayong pagpasok ng 2024.

Kasama na rito ang muli niyang pa-pirma ng exclusive contract sa GMA Network kamakailan.

Patok din sa viewers ang pinagbibidahang Afternoon Prime Time series na "Stolen Life" kung saan kasama niya sina Beauty Gonzales at Gabby Concepcion.

Nakalipat na rin siya sa kanyang bagong bahay at kasama niyang nakatira roon ang kanyang fur babies.

Para kay Carla, dream come true ito.

"Dream yun e, lifelong dream, lifelong plan, in-envision ko lang siya one day so hanggang ngayon parang hindi ako makapaniwala na tapos na siya, nakatayo na siya, nagawa na, doon na ako nakatira, sabi ko paano nangyari yun, so di ko rin alam parang it's all a blur, I give all the credit to God," aniya.

Sa panayam kay Carla ng GMA Integrated News sinabi niyang pakiramdam niya she is in a good place at maganda raw kung may mga bagong na-aacquire ay may mga bagay ring nile-let go.

Kaya nagde-declutter din si Carla ng ilang personal items na hindi na niya ginagamit sa pamamagitan ng pagdo donate o pagbebenta ng mga ito online.

Sa Instagram, nag-post si Carla ng ilang mga gamit niya na for sale pero kung may mga natuwa, may mga bumatikos din sa ibinebenta ni Carla na namamahalan sa presyo ng mga items na ang ilan daw ay worn-out na.

Depensa ni Carla, "Honestly, why would I sell naman something na kumbaga would cost more than kumbaga no yung benta ko or purchase ko or hindi naman ganon. But siyempre I would sell something na much less naman than how much I got it for. Di ba lalo na yung condition niya depende din doon... Well choice naman nila yun if they're interested or if they want to buy or not."

Solong dumating si Carla sa anniversary at relaunch party ng Mega magazine kagabi.

Ayon sa kanya masaya raw siyang nakakalabas paminsa-minsa pero nang tanungin kung game ba siyang makipag blind date...

Sabi ng Stolen Life star, "Ayoko ng blind date, hindi ako comfortable sa blind date. But dating, my goodness, I won't say din na I'm open to it pero ayoko pa siya masyadong isipin not that I'm blocking myself."

Nang tanungin kung may mga nagpaparamdam sa kanya, "Meron naman noon, pero ngayon hindi naman gaano. I don't know where they are."

Wala rin daw siyang plano sa Valentine's Day, dahil mukhang matataon daw na magsisimula na rin sila ng taping para sa upcoming GMA Prime Series na "Widow's War" kung saan makakasama niya si Bea Alonzo.

Alam daw niyang may pinagdadaanan ang co-star pero ayon kay Carla, "Hindi ako yung someone na parang itatanong yun or kukulitin siya, magfi-fish ako, hindi naman."

"It's a very sensitive, private matter so that's her personal life. Kaya wala naman yun. Out ako dun. Ako naman katrabaho lang naman niya but you know, of course, I pray for her. I only wish she's okay," aniya.

Bilang kasama rin si Carla sa mga dumaan sa "Celebrity break-up," alam daw niyang malalampasan din ng kanyang kapwa artista ang ganitong klaseng pagsubok.

Na-survive raw niya ito sa tulong na rin ng kanyang family, friends, fans, work, at strong faith.

"Kapag iniisip mo yung mga panahon na iyon, honestly hindi mo mapi-picture yung bukas. Hindi mo alam where you'll be, what you'll be doing, how you'll be but ako I'm just grateful di ba?"

"Of course there's nothing wrong looking back, but then I'm just grateful na nandito na ko today. Kaya ko na humarap sa mundo," dagdag ni Carla. — BAP, GMA Integrated News