Inilahad ni Faith Da Silva na tila nakita niya rin ang kaniyang sarili sa kaniyang ama na si Dennis Da Silva nang puntahan niya ang dating aktor sa bilangguan. Dahil hindi nakapiling ang ama sa kaniyang paglaki, sinabi ng aktres na lumikha siya ng "imaginary father."
"Doon ko na-realize na when I was talking to him face to face, I see a lot of myself in him. It was very weird kasi that was the first time we've met," sabi ni Faith sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes.
Inilahad ni Faith na ang kaniyang pagmamahal sa ama ang dahilan kung bakit gusto niya itong makita.
"Because I love him, I love him a lot. 'Yung love ko kasi sa kaniya noong una it was coming from a place of longingness, because he was not present noong time na 'yun," paliwanag niya.
Ikinuwento ng Kapuso actress na dahil hindi niya nakakapiling ang ama noong bata, lumilikha siya ng "imaginary father" sa kaniyang isip. Ito ang kaniyang kinakausap sa tuwing pinagagalitan siya ng kaniyang ina o may nakakaaway.
"Palaging sinasabi talaga sa akin ni mama growing up, na sobrang mahal ako ng father ko tapos daddy's girl ako. Eh ako, wala naman akong recollection kasi nga, one year old pa lang ako, paano ako magiging daddy's girl?"
"Ako, iniisip ko talaga na, kailan darating 'yung time na I would have a moment with my dad? 'Yung pagmamahal ko sa kaniya it felt like I was really seeking for it. Feeling ko hindi siya naging normal, tapos hindi ko rin siya shine-share sa ibang tao. So lahat siya nandito lang sa loob, hindi ko alam kung paano ko ipa-process noong time na 'yun," pagpapatuloy niya.
"Si God ang naging father ko talaga," ani Faith.
Hindi itinanggi ni Faith na kinuwestiyon niya rin kung bakit "iniwan" sila doon ng kanilang ama.
"Noong nagkakaroon na talaga ako ng idea with what happened, nakikita ko 'yung kaso, naipapakilala sa akin slowly 'yung ibang family members ko, half siblings. Gusto ko siya na andiyan," ani Faith.
"Gusto, because siguro at that time I felt like, gusto kong maging selfish. Na kahit mayroon na siyang sarili niyang family, gusto ko kami naman. 'Iparamdam mo naman sa akin.' Gusto ko ring maging buo bilang isang pamilya. At the same time hindi na rin kasi may family na siya, and I respect that," patuloy niya.
Panalangin ng Kapuso actress na makamit ng kaniyang ama ang hustisya.
"Happy ako for him. I believe na malusog siya, happy siya. Siguro 'yung justice talagang makuha niya sa tamang panahon, naniniwala ako roon," sabi pa ni Faith.
Inilahad din ni Faith na humingi ng tawad ang kanilang ama sa kanilang magkapatid.
"Mas nauna siyang humingi ng tawad sa akin. Si Silas talaga 'yung tinanong niya. Tinanong niya kung 'Okay na ba tayo? Alam ko noon pa lang meron kang mga feelings o certain emotions na negative about me. Gusto ko lang malaman kung okay na tayo? Kung maayos na tayong dalawa?' He said yes," kuwento ng aktres.
Naramdaman din ni Faith ang pagiging tatay ni Dennis nang kumustahin siya nito.
"Actually na-shocked nga ako kasi usually ang mga tao kapag nami-meet ko, 'yun agad ang mga tanong, about show business. Siya, tao ang tanong niya sa akin. 'Kumusta ka? Maayos ba ang tinitirahan mo? Kumusta kayo ng mama mo? How is your mom?' Sobrang tatay ng mga tanong," paglalahad ng aktres.
Hindi naman itinanggi ni Faith na nagkaroon siya ng ibang pananaw sa kaniyang ama dahil sa nababasang balita.
"Pero 'yung makausap 'yung mga taong totoong malapit sa kaniya, and for them to say na he's a happy person," aniya.
Muling sinabi ni Faith na napatawad na niya ang kaniyang ama, at handa siyang magsimulang muli.
"Pero para maramdaman ko 'yun... Okay, totoo nga ito. Ito nga talaga 'yung dapat mangyari, na mapatawad kita, magmahalan tayo, at mag-build tayo ng relationship together.
Dinalaw nina Faith at kapatid niyang si Silas, ang kanilang ama na si Dennis sa bilangguan noong Disyembre na itinuturing nilang maagang pamasko sa kanila.
Ayon kay Faith, inabot ng dalawang oras ang pag-uusap nila ng kaniyang kapatid sa kanilang ama.
"Hindi ako sure kung kailan mangyayari ulit... Pero ang dami ring mga emotions na nag-resurface talaga, na ang hirap iwanan. Na kahit nakauwi na ako, ilang araw na ang dumating, hindi ko pa rin feel na fully nag-sink in na talaga siya."
Emosyonal si Faith nang alalahanin ang mga huling sinabi sa kanila ng kanilang ama.
"'Mag-ingat kayong mga anak. Mahal na mahal kayo ni papa,'" pag-alala ni Faith.-- FRJ, GMA Integrated News