Hindi naiwasang mag-alala ni Andrea Del Rosario para sa kaniyang anak na si Beatrice Anne, na sumailalim sa isang major surgery kamakailan. Hindi naman napigilan ni Boy Abunda na maging emosyonal nang malaman na pumanaw na ang kapatid ng nobyo ni Andrea, na malapit niyang kaibigan.

Sa pagsisimula ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, kinumusta ni Tito Boy si Andrea, na guest niya sa show.

“Medyo spaced out because I just brought my daughter out from the hospital yesterday. So medyo windang pa. But she’s doing okay, she had a major surgery, but she’s recovering at home now,” pagbahagi ni Andrea tungkol sa kalagayan ni Beatrice na turning 14-year-old.

Kung ilalarawan ni Andrea ang kaniyang sarili bilang ina, sinabi ng aktres na isa siyang “worrywart,” ayon na rin sa kaniyang nobyo na si Anthony Garcia, dahil sa pag-aalala niya sa kaniyang anak.

“Unfortunately I’m a worrywart daw sabi ni Anthony because of her history. She has been fighting to be alive ever since she was born, so siyempre, I can’t help but worry. I think I’m a fun and chill mom,” saad niya.

Naibahagi ni Andrea kamakailan sa Instagram na naging matagumpay ang operasyon ng kaniyang anak na labis niyang ipinapapasalamat.

 

 

Sa naturang panayam, napag-usapan din nila si Anthony at tinanong ni Tito Boy si Andrea kung napag-uusapan nila ang magpakasal na.

 "We're fine. I considered him as my best friend, we do a lot of thing together," sabi ni Andrea, na kabilang sa ginagawa ni Anthony ang paglalaro ng polo sports.

Ayon kay Andrea, proud siya sa kaniyang nobyo na highest rated polo player sa Southeast Asia.

Walang binanggit na direktang pahayag si Andrea tungkol sa kasal pero sinabi niya na magkakaroon sila ng, "nice, small get together in Argentina with a few friends and hopefully will have one here in the Philippines."

Hindi rin napigilan ni Tito Boy na maging emosyonal sa panayam dahil nalaman niya na pumanaw na ang kapatid ni Anthony na isa niyang malapit na kaibigan.-- FRJ, GMA Integrated News