Sa isang episode ng Fast Talk with Boy Abunda, nagbigay si Kris ng update tungkol sa mga pagbabago sa relasyon nila ni Perry matapos isilang ang kanilang first baby.
“Actually mas naging maganda, mas naging strong ‘yung relationship namin. Kasi nakita ko kung gaano rin siya ka-resilient noong nagka-baby kami. Talagang very responsible rin siya,” saad ni Kris.
“It made me realize more na I chose the right person, I married the right man. I married the right person. Kasi doon ko na-realize na grabe, very supportive siya all the way kahit nakikita niyang hirap na hirap ako, talagang spinoil (spoil) niya ako,” pagpapatuloy ng aktres.
Ayon pa kay Kris, hindi issue sa kanila ni Perry kung sino ang unang mag-aalaga kay Baby Hailee.
“‘Yung baby kasi namin, talagang mabait, easy baby siya, hindi siya iyakin, hindi siya ‘yung hindi mo nalalapag, sumasama kahit kanino. Hindi sensitive ‘yung health niya, ‘yung skin niya. So talagang easy baby lang siya, ang dali niyang alagaan,” kuwento ng aktres.
Samantala, ibinahagi rin ni Kris na maraming nagbago sa kaniya simula nang maging nanay na siya.
“It’s just that nahirapan lang ako kasi feel ko bagong tao ako. I can no longer recognize my old self. Wala na. The things that I used to love,” lahad niya.
Sinabi ni Kris na dinidiskubre pa niya ang kaniyang sarili bilang ina.
“I’m loving myself now pero siguro, may hinahanap pa ako sa dati kong sarili. Nasa phase pa ako na dini-discover ko pa rin ‘yung bagong ako, ‘yung nagugulat pa rin ako sa mga ginagawa ko ngayon, na kaya ko pala ito, ganito pala maging mommy.”
Matatandaang nakaranas si Kris ng postpartum anxiety noong nagbubuntis kay Baby Hailee, ngunit bumubuti na ngayon ang kaniyang lagay.
“Actually nagkaroon nga ako ng post-partum anxiety. I was diagnosed with post-partum anxiety kasi nahihirapan talaga ako mag-adjust. Pero so far it’s getting better. Okay naman.”
Sa kabila ng mga paghihirap, grateful si Kris sa kaniyang karanasan ng pagiging isang ina.
“Ito ‘yung pinakamasasabi kong pinakamagandang nangyari sa buhay ko,” saad niya, na mas naka-relate pa sa iba pang ina.
“Hindi natin maiiwasan na talagang may pinagdadaanan na post-partum. And gusto ko ring maka-relate sa ibang moms na kung ano ang pinagdadaanan nila pinagdadaanan ko rin,” ayon kay Kris. -- FRJ, GMA Integrated News