Ikinuwento ni Ara Mina sa "Surprise Guest with Pia Arcangel" na nagkaroon siya ng stalker at nakatanggap ng mga "indecent proposal" noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz.

Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," ikinuwento ni Ara ang pagsisimula niya sa showbiz, kung saan naging bahagi siya ng "That's Entertainment" sa edad na 14.

Naging mainstay sa siya sa "Bubble Gang" sa loob ng 10 taon, at nakilala bilang sexy comedian at dramatic actress.

Apat naman ang naging screen name niya kabilang ang Danica Gomez, Dara Mina, at Ara Mina Reyes.

Sa harap ng kasikatan, ibinahagi rin ni Ara ang pagkakataon na nangamba siya sa kaniyang seguridad nang magkaroon siya noon ng stalker.

"I remember nagkaroon lang ako ng stalker. Nagkaroon ako ng mga suitors na, as in talagang mga... I admit na mayroong mga indecent proposal na nakakatakot," pagbahagi ng aktres.

Kuwento ni Ara, may nakikipag-ugnayan pa sa kaniyang manager ang ilan para makita siya.

"Inaway ng manager ko, kasi 'di ba parang may mga weird eh. Parang feeling nila kaya nilang bilhin lahat," saad ni Ara.

"Wala pa naman social media nun, so it's really hard for the guy to connect kung hindi mo talaga ma-mi-meet," dagdag niya.

Hindi rin daw basta-basta sumasagot sa mga tawag si Ara.

"Kapag kunwari na-encounter ko na na-meet at tapos parang iba 'yung ano niya dating, umiiwas na ako and may mga bantay ako," ayon kay Ara.

Taong 2021 nang pakasalan ni Ara ang Philippine International Trading Corporation (PITC) President and CEO na si Dave Almarinez.

Napanood kamakailan si Ara sa series na "Lovers/Liars," kasama si Claudine Barretto.—FRJ, GMA Integrated News