Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, sinabi ni Tekla na bago pa lang siya noon kaya kinakapa kung papaano ang atake ng pagpapatawa sa mga tao.
"Kasi mahirap eh, dapat responsibility mo 'yun. 'Yung words mo dapat appropriate paglapat mo sa tao para hindi offended," sabi ni Tekla. "Noong sa akin hindi pa 'ko sanay, na-offend, nagkasa ng baril," pag-alala niya sa kaniyang karanasan.
"Kasi ang joke ko sa kaniya, 'Ang ingay-ingay mo diyan eh, pabigat ka lang naman.' Mabigat, pangit 'yung dating, pangit 'yung atake," pag-amin ni Tekla.
Sa kabutihang palad, nagawang suyuin ni Tekla ang miyembro ang audience at napapayag na huwag ituloy ang ano mang binabalak nito.
"Nakuha ko siya na 'Sorry, I'm a comedian. Siyempre pumasok ka sa lugar na ganito, expect the unexpected. We say something not in common, so bear with us,'" saad ng Kapuso comedian.
Pagtanto ni Tekla sa kaniyang karanasan, "Dapat pag-aralan mo 'yung mga tamang salitang ilalapat mo sa craft mo or performance mo."
Samantala, ipinaliwanag din ni Tekla na hindi basta-basta ang comedy.
"Naiinis ako kapag 'Hoy comedian, magpatawa ka naman.' Anong tingin niyo sa joke, drive thru?" sabi niya.
"Ang joke po kasi meron 'yang pattern, may pinaghuhugutan para lumabas 'yung tamang craft mo. Kung ang topic mo ganito, kailangan, hindi tayo aalis sa gano'n," dagdag ni Tekla.
"Halimbawa nag-show ako ngayon, nag-work siya, puwede ko pa rin siyang gamitin sa ibang mga araw, at the same pinapalawak ko pa siya," sabi naman ni Boobay tungkol sa kaniyang diskarte sa pagpapatawa.
Bukod dito, nagbabasa rin si Boobay ng mga kasalukuyang nangyayari sa social media.
"Doon ako humuhugot minsan. Dapat meron akong alam para meron akong bala," ani Boobay.-- FRJ, GMA Integrated News