Nilinaw ni Bea Alonzo na hindi pa nila prenup shoot ng fiancé na si Dominic Roque ang sweet photos nila mula sa kanilang recent trip sa Japan.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa 24 Oras, sinabi ni Bea na hindi pa rin siya nakaka-get over sa kanilang dreamy winter wonderland trip sa naturang bansa.

Sinulit nina Bea at Dominic ang kanilang oras na makapag-snowboarding at skiing doon.

Hindi rin nila pinalampas ang mga magagandang tanawin sa Niseko, Otaru at Sapporo. Nagkaroon pa sila ng cheesy moment sa bandang Mount Moiwa at naglagay ng love locks sa railings.

Ngunit ayon kay Bea, hindi pa ito ang kanilang prenup.

"Japan talaga 'yung favorite place namin. Doon nag-start kasi 'yung love story namin. Pinunta namin is to ski. So it was memorable kasi ang dami kong falls, ang dami kong ano. But then, every day, I was getting better," saad ni Bea.

Ayon kay Bea, eksakto ang oras niya ng pahinga dahil bigatin at intense ang dramang kaniyang pagbibidahan na "Widows' War."

’’It's going to be an exciting soap because it's my first time doing this genre. 'Yung whodunit genre medyo dark siya. Normally, nalilinya ako sa rom-coms or drama na heavy. But first time na medyo dark," ani Bea.

"Nasa edge ka ng seat mo. Ganu'n 'yung ibibigay niyang feeling sa'yo," dagdag niya.

Ngunit una munang mapapanood si Bea sa Magpakailanman episode nitong Sabado na ''Always in My Mind: The Kath Basa Story."

Agad ipinakita ni Bea ang kaniyang husay sa drama sa pagganap bilang isang diagnosed na may bipolar disorder.

Espesyal sa kaniya ang MPK episode lalo't isa siyang mental health awareness advocate.

"Ang laki ng talon ng bawat emosyon niya. Di ba? So, hirap na hirap ako nu'ng araw na 'yun pero, I knew it was bigger than me."

"Alam ko na mas maraming kailangan makapanood nito. So, I did my best. Something horrible or tragic na nangyari sa'yo, lalo na hindi mo kasalanan, huwag ka mahihiyang ikwuento sa ibang tao at huwag ka mahihiyang ituro kung sino yung gumawa nito sa'yo. Kasi, you will never know how it's gonna affect your life," dagdag niya.

"And it's better to share this very tragic moment with other people. Rather than sinasarili mo lang," ayon pa kay Bea. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News