Binalikan ni Pops Fernandez ang panahon na nakaranas siya ng depresyon nang makaramdam ng kawalan ng kompiyansa sa kaniyang pagkanta. Paano niya ito nalampasan? Alamin.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, hiningan ni Tito Boy si Pops ng kaniyang saloobin tungkol sa sinabi ni Regine Velasquez sa isang panayam na "It's no longer my time."
"In our industry ganu'n naman talaga. It's a cycle. There will always be mga bago, magagaling, naiiba rin 'yung trend, mas may ibang puso," saad ni Pops.
"But like I said, dapat meron tayong sariling atin na alam natin na 'Ito, ito 'yung akin,'" pagpapatuloy ng Concert Queen.
Inalala ni Pops ang pagkakataong na-depressed siya dahil sa pagdududa sa kaniyang kakayahang kumanta o mag-perform.
"Hindi ko naman shini-share 'yun publicly, but there was a time I got depressed, hirap akong kumanta, I felt na, 'Ano pa ba ang puwede kong gawin? Puwede ko pa bang gawin ito? Bagay pa ba ako diyan?' So medyo I tried to do other things because I didn't feel good about myself, hindi ako naging confident, and it bothered me a lot," sabi niya.
Ngunit natuto si Pops na muling bumangon at balikan ang hilig niya sa pagkanta.
"Kailangan kasi you have to strengthen yourself. Ikaw lang naman ang magpapalakas sa sarili mo. I prayed a lot, I kept saying 'God bagay pa ba ako rito sa ginagawa kong profession?' But then again, ito lang ang alam ko eh, ito lang ang kinalakihan ko, ito lang 'yung alam na alam ko at mahal ko. Dito ako passionate," sabi niya.
Muli ring nag-aral si Pops para mahasa pa ang kaniyang talento.
"So, 'God bagay pa ba ako rito?' 'Yun nga ang sinasabi ko, medyo nag-lie low ako, nag-produce ako, hanggang sa I told myself, 'Kaka-miss, sige. Kung sinasabi Mong nahihirapan akong kumanta,' nag-aral ako ulit. Nag-lessons ako ulit, para ma-gain ko ulit 'yung confidence ko."
Payo ni Pops, huwag hayaan ang sarili na malugmok sa takot at matutong tumayo sa mga sariling paa.
"Kapag in-allow natin ang fear natin mag-take over, maniniwala tayo sa 'Oo nga hindi na ako magaling' or 'Hindi ko na kaya 'yun.' That's why you always have to strengthen yourself and believe in your kakayahan," sabi ni Pops.
Sa Pebrero 9 at 10, magkakaroon muli ng concert si Pops na pinamagatang "Always Loved" sa The Theatre sa Solaire. --FRJ, GMA Integrated News